Tunay na Bayanihan!
Sa kabila ng patuloy na paglaganap ng COVID 19 sa ating bansa lalo na sa Kamaynilaan, kapuri-puri at nakagagalak ang iba’t ibang inisyatiba at tulong na hatid ng mga pribadong grupo at kompanya para sa ating mga kababayang nangangailangan.
Matingkad na halimbawa ang inisyatibang “Project Ugnayan” na nakalikom na sa ngayon ng 1.5 bilyong piso upang matulungan ang mga mahihirap imsa mga lunsod sa Metro Manila.
Sa isang pahayag online, target ng Project Ugnayan na ipamahagi ang P1,000 gift certificates sa higit sa 1 milyong kabahayan sa mga mahihirap na komunidad ng Kamaynilaan.
Ang Project Ugnayan ay isang pagtutulungan ng mga grupong pangnegosyo katuwang ang Philippine Disaster Resilience Foundation (PDRF) upang makabuo ng pondong pangsuporta sa mga mahihirap na pamilyang lalong nawalan o lalo pang humina ang kabuhayan bunsod ng patuloy na Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon.
Sisimulan ang pagbabahay-bahay para maiparating sa pinakamahihirap na pamilya ang tulong na ito sa pamamagitan ng Proyektong Damayan ng Caritas Manila at Pantawid ng Pag-ibig na programa naman ng ABS CBN. Ihahatid sa bahay ng mga kasama ng parokya at local na barangay at kapulisan ang mga grocery vouchers na makakabili ng importantieng pangangailangan sa mga malapit na grocery at supermarket. Sinimulan na ito sa apat na mga pilot area at palalaganapin sa tulong ng iba pang mga kasosyo sa proyekto.
Maraming Salamat sa mga sumusunod na pangkat pangnegosyong sumusuporta sa Project Ugnayan: Aboitiz Group, ABS-CBN/Lopez Group, Alliance Global/Megaworld, AY Foundation and RCBC, Ayala Corporation, Caritas Manila, Century Pacific, Concepcion Industrial Corp, DMCI, Gokongwei Group of Companies/Robinsons Retail Holdings, ICTSI, Jollibee, Leonio Group, Mercury Drug, Metrobank/GT Capital, Nutri-Asia, Oishi/Liwayway Marketing Group PDRF, PLDT/Metro Pacific Investments Corporation, Puregold, San Miguel Corporation, and SM/BDO, Sunlife of Canada, Suyen Corp.
Marami pang kumpanya ang nagpahiwatig ng kanilang hangarin makapag-abot ng tulong sa proyektong ito at higit na mas marami pa ang tumutulong sa iba’t ibang paraan.
Sa harap nito, naniniwala naming sa Bantay Konsyumer, Kalsada at Kurynete (BK3), na hindi na kailangan pa ng mga matindi at sapilitang pagpapakilos sa sa pribadong sektor upang makibaka laban sa pandemikong ito.
Malinaw na nasa iisang panig tayong lahat. Ganito ang tunay na Bayanihan!
Louie Montemar
Convenor ng BK3