Agarang Ipatupad ang EO32 para maging digital economy tayo
Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Executive Order 32 na naglalayong mapadali ang proseso ng aplikasyon para sa imprastrukturang pang-telekomunikasyon at internet. Ang hamon ngayon ay kung paano ito maipapatupad nang seryoso at mabilisan para sa kapakanan ng mamamayan at economiya ng bayan.
Mahabang panahon nang nagtiis ang mamamayan sa halos gapang, pawala-wala, at hindi maaasahang serbisyong pang telekomunikasyon sa maraming lugar sa Pilipinas. Natukoy na salarin ang burukrasya mismo, dahil sa napakaraming permit at lagda nitong hinihingi at napakadaming araw na iginugugol – nasasayang – sa pagproseso ng mga aplikasyon. Dahil sa sobrang pang-administratibong balakid, hindi agad natutugunan ang pangangailangan ng mga pamayanan at industriya. Naging hadlang ito sa ating hangaring maging malakas na ekonomiyang digital.
Tinutukan ng pribadong sektor sa pamamagitan ng Private Sector Advisory Council, at ng Anti-Red Tape Authority, ang EO mula nang una itong ipanukala sa ehekutibo. Ang paglagda ng Pangulo sa EO ay umpisa pa lang ng mahaba pang daang tatahakin.
Kailangang sikapin na ang mga layunin ng EO ay agarang makamit. Ngayon pa lang tayo nakakabangon mula sa hagupit sa ekonomiya na dulot ng mga lockdown noong COVID-19. Napatunayan din natin na mahalaga ang digital connectivity para lubusan tayong makisali at makinabang sa Age of Information.
Hangad ng BK3 na maipatupad ang EO lalo na sa mga ahensiya at lokal na pamahalaan kung saan mismo pinoproseso ang mga aplikasyon sa imprastruktura. At dahil makailang ulit nang sinabi ng pamahalaan na kailangan natin ang transpormasyong digital, inaasahan nating matutuloy na ang mga makabuluhang inisyatibo tulad ng Luzon Bypass Infrastructure Project ng Department of Information and Communications Technology, at mga cable landing station ng 12,800-kilometrong Pacific Light Cable Network (PLCN). Inaasahang mapapababa ng mga proyektong ito ang halaga ng broadband services habang mapapabilis ang kapasidad nito.
Lahat ng Pilipino, saan man sulok ng bansa, ay nanagangailangan gumamit ng nga serbisyong hatid ng imprastrakturang digital.