Ang Problema ng Taxi

“Ang problema ng taxi ay masama ang kanilang serbisyo!”

Matagal nang humihingi ng dagdag singil sa pamasahe ang mga taxi operator dahil ayon sa kanila kapos ang kanilang kita para sa pang araw-araw na gastusin. Ngayong naitaas na ng LTFRB ang matagal ng hinihingi na dagdag singil, ano naman kaya ang pakinabang nito sa mga konsyumer?

Talamak ang reklamo ng mga mananakay sa serbisyo ng taxi. Lahat tayo ay ilang beses nang natanggihan o kaya’y nakikipagtawaran sa mga taxi drayber na gustong kumita ng masmataas sa singil ng metro. Magandang balita para sa mga taxi drayber, pero agrabyado na naman ang mga mananakay. Ang malamang na epekto nito ay masdadami ang gagamit ng Uber at Grab dahil mahal na rin ang taxi.

Hamak na mas komportableng sumakay sa mga TNVS. Kahit na mas mahal ang singil ng mga ito, mas pipiliin pa rin ito ng konsyumer dulot ng magandang serbisyo ng mga drayber at magandang kondisyon ng kotseng ginagamit. Kung nalalakihan man ang konsyumer sa singil ng Uber at Grab, mayroon namang mas murang alternatibo, katulad ng mga bagong P2P bus na dumarami na rin ang gumagamit.

Sa madaling salita, ang pagtaas ng singil ng mga taxi ay isa lamang pahirap sa mga konsyumer kung hindi rin naman babaguhin ng mga taxi operator ang kanilang serbisyo. Sana may kasamang pagbabago na makikita ang mga konsyumer sa serbisyo ng taxi para naman hindi lang ito makitang paraan para mapayaman lang ang mga taxi operator.