Pahayag ng BK3 sa Pag-aangkat ng Karneng Manok na Itinutulak ng DA
Pahayag ng BK3 sa Pag-aangkat ng Karneng Manok na Itinutulak ng DA
ANONG KABABALAGHAN ITO?
Anong kababalaghan ito para sa interes ng mga dayuhang negosyante? Anong iniisip ninyo sa Bureau of Animal Industries ng Department of Agriculture at sinasalang ninyo sa alanganin ang ating sariling industriya!?
Kahit saang anggulo, hindi namin maubos-maisip sa BK3 kung paano nakuhang panigan ng Department of Agriculture (DA) ang pag-aangkat ng mga manok ngayong may pandemiko at nahaharap sa matinding pangangailangan din naman ng mga lokal na producer natin upang makabenta.
Naulat na rin na may bukas na liham na ipinadala ang United Broilers Raisers Association (Ubra) at Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. (PCAFI) kay Sec. Dar ng DA. Ito ay naghahayag ng pagtutol sa pag-angkat ng karne ng manok.
Ayon sa mga ulat, bahagi ng tugon o reaksiyon ni Sec. Dar sa liham ay “there was a miscommunication somewhere.” Kailangan naming ng maayos na paliwanag, DA. Matinding miskomunisasyon po ito, Kalihim!
Una, sa aming pagkakaalam, wala po tayong kakulangan sa produksiyon ng karne kaya bakit po tayo kailangan talagang mag-angkat pa? Ikalawa, kailangan pa ba talagang iutos ang paglilimita sa produksiyon ng karneng manok? Para saan po ito? Higit sa lahat, lalo na ngayong nanghihina ang ekonomiya sa matinding dagok na dala ng pandemiya ng Covid, bakit natin pahihinain pa ng lubos ang isang kabuhayan ng marami sa ating mga pinakamahihirap na mamamayan? Hindi katanggap-tanggap ang balitang ito!
Hinihiling namin ang papapaliwanag ng DA at ang kagyat na pagpigil ng Kagawaran sa lahat ng pag-aangkat ng manok sa buong bansa.
Ang industriya ng pagmamamanok ang siyang ikinabubuhay ng milyun-milyong manggagawa at negosyanteng Filipino. Bakit natin sila tila nilalagay sa alanganin!?