BK3: Tungkulin ng lahat ang gawin ang tama
Halos isang taon na mula nag-umpisa ang ECQ na naging bunsod ng naipong konsumo sa kuryente. Maalala natin na hindi makasingil ang mga distribution utility (DU) dahil sa mga lockdown at naipon ang babayarin sa kuryente at marami ang nahirapan magbayad.
Halos isang taon rin nagbigay palugit sa mga konsyumer na natapos dapat nitong bisperas ng bagong taon ngunit hindi na nagbigay ng bagong direktiba ang Energy Regulatory Commission (ERC). Mabuti na lang at nagbigay pa ng karagdagang palugit ang Meralco hanggang sa Enero 30. Ipinahayag rin ng Meralco sa media na magiging bukas naman sila makipag-usap sa indibidwal na batayan—case-to-case ‘ika nga, sa kanilang mga kustomer kung sakaling hindi pa rin mabayaran ang buong halaga ng kanilang electric bill.
Sinabi rin ni Chairperson, Atty. Agnes Devanadera sa isang panayam na hindi na maglalabas ng panibagong palugit ang ERC sa pagputol ng kuryente at pinauubaya na sa mga DU gumawa ng nararapat na aksyon batay sa kanilang sitwasyon.
Pinahayag ni Devanadera ang kaniyang pag-alala na maaring tumigil ang suplay ng kuryente ng ilang mga DU kung maubusan ng ponding pantutos sa kanilang operasyon. Mga maliit na namamahagi ng suplay ng kuryente gaya ng mga kooperatiba ng kuryente sa mga lalawigan ang nanganganib bumagsak.
Kinikilala namin na lahat ay nahihirapan dahil sa mabigat na krisis dulot ng pandemya. Kailangan natin maging makatarungan at tapat sa isa’t isa. Bilang konsyumer, may obligasyon tayong bayaran ng tapat ang serbisyong nagamit natin na dapat lamang tapatan ng magandang serbisyo ng industriya ng kuryente. Kung kaya na natin magabayad, dapat lang na magbayad na. Kung medyo hirap pa, mag-usap at humanap ng paraan upang magkasundo sa isang balanseng solusyon.
Mas mapapamamahal kung mawalan ng kuryente. Kelangan humagilap ng generator set na napakalakas lamaklak ng napakamahal na gasoline. Limitado pa ang mapapaandar na gamit. Nariyan pa ang malaking abala sa lahat, lalo na ang pagkagambala sa takbo ng mga negosyo, atbp.
Sa pagdating ng mga bakuna sa taong ito bibilis ang muling pagbubukas ng ekonomiya at makaka-asa tayo na gaganda ang kalagayan nating lahat. Kaunting kapit pa at tuloy ang tulungan.
Malalagpasan din natin ito. Walang gulangan. Gawin natin ang tama.