Dagdag Trabaho, Bakuna, at Ayuda! Hindi Dagdag Buwis!
Walang naganap na pagbawi o pagbasura sa BIR RR No. 5-2021 o ang panukalang magpapataw ng 150 porsyentong pagtaas ng buwis sa mga pampribadong paaralan. Ang nilalaman lang pala nung memorandum circular na inilabas ng BIR ay isang paglilinaw sa kompyutasyon. Magmula sa regular na 10% buwis, pinipilit nilang itaas ang pagsingil ng 25 porsyentong buwis! Anong kalokohal ito?
Bakit naman ganoon? Sa kabila ng kaliwa’t kanang pagtutol ng buong sektor ng edukasyon ay itutuloy pa rin ng gobyerno ang panukalang ito?
Sa halip na pagaanin ng BIR ang mga problemang pinapasan ng naghihingalong mga paaralan ay lalo lamang nila itong binabaon sa pamamagitan ng pagpataw ng mas mabibigat na buwis. Napakaraming pampribadong paaralan ang walang nagawa kundi magsara at milyong mag-aaral ang napilitang huminto sa pag-aaral o di kaya’y lumipat ng paaralan noong kasagsagan ng pandemya. Nais pa ba natin ito dagdagan?
Nananawagan ang BK3 na agarang ituwid ng gobyerno ang walang pusong panukala na ito at magsagawa ng mga positibong polisiya at proyektong makapagbabangon sa sektor ng edukasyon.
Mas tutukan dapat ang pagbibigay ng trabaho, bakuna at ayuda, hindi dagdag buwis!