Doble-kayod sa pagbuo ng imprastrukturang digital
Para sa kapakanan at karapatan ng lahat ng konsyumer, ang ating bansa ay kailangang doblehin o higit pa, ang pagsusumikap nito na bumuo ng imprastrakturang pang telekomunikasyon. Ito ay upang matugunan ang digital divide sa ating lipunan, na matagal nang nagpapalala sa hindi pagkakapantay-pantay na oportunidad at pagkakataong para sa ating mamamayan.
Kailangan makipagtulungan ng gobyerno sa pribadong sektor para itulak ang pag-unlad na digital ng ating bayan.
Habang ang pamahalaan ng ibang mga bansa ay namumuhunan sa kanilang mga digital na imprastraktura nang husto at totoong gingagawa ang kanilang mga estratehikong proyekto upang maging globally competitive sila sa digital na ekonomiya ng mundo, malinaw na napag-iwanan na tayo at kailangan nating humabol nang mabilis.
Magandang senyales ang pag-aanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr na hindi sapat ang 70-porsiyentong connectivity rate sa ating bansa. Mabuti ring kasali sa 5-year Philippine Development Plan ang pagpapalakas ng koneksyon at digitization ng mga serbisyong pampubliko at mga prosesong pamburukrasya.
Tunay ngang walang oras na dapat masayang sa ating pagsisikap upang maging tunay na digital na ekonomiya, para sa kapakinabangan hindi ng iilan kundi ang nakararaming mamamayan.