ERC, GALAW-GALAW NAMAN!
Ayon mismo sa datos ng ERC, may walong PSA na pinuproseso mula pa noong 2016. Nakapagbigay sana ang mga ito ng kabuoang 1,802 megawatts (MW) na karagdagang kuryente sa Luzon. Dagdag pa rito, may 27 pang katulad nitong mga kasunduan ang sumasailalim pa sa mga pampublikong pagdinig. Mula sa mga ito, 2,051 MW ang potensyal na suplay ng kuryente ang nakabitin!
Kung gayon, makapagdadagdag sana ng 3,853 MW sa grid ang mga plantang mula sa mga nakabinbing PSA. Hindi sana kinapos ng 1,500 MW noong nagkaroon ng pinakamataas na kakulangan sa “peak demand”.
Ayon na rin sa pinakahuling datos mula sa ERC, umiikot sa mga 1,000 MW lamang ang “average difference” ng “peak demand” at “peak supply” nitong 2018 at 2019. Kapag nagkakaroon ng pagtigil ng operasyon ng ilang mga planta, maging planado o di-inaasahan dahil sa aberyang teknikal, nagkakaroon ng kakulangan sa supply ng kuryente.
Bakit tila usad-pagong kung gayon ang pagharap at pagdedesisyon ng ERC sa mga mungkahing proyekto para sa karagdagang supply ng kuryente? Taon na ang binibilang. Sa ngayon, ang mga nakabinbing kasunduan ay magdadagdag sana ng halos sampung planta ng kuryente.
Sa mga kabayan natin sa ERC, galaw-galaw naman tayo diyan! At kumusta na ba ang mga pagsusuri natin sa mga naging yellow at red alert dahil sa pagsara ng maraming planta? Wala po bang kuntsabahang nagaganap para piliting tumaas ang presyo sa merkado?
Talo nanaman kaming mga konsyumer.