HELE? Tuloy Lang! Pahayag ng BK3

Binabatikos ng ilan ang pamahalaan sa pagbubukas sa bansa ng unang High Efficiency Low Emission (HELE) power plant ng San Buenaventura Power Ltd . (SBPL). Pinupuna ito bilang isang plantang “coal-fired” o gumagamit ng uling. Wala daw kasing malinis na uling—nakadudumi daw ito sa kapaligiran.

                Para sa mga nagtulak nito, binuksan ang planta para matustusan ang kinakailangang 500 MW ng baseload na kapasidad sa Luzon grid. Sa madaling salita, kailangan natin ng karagdagang suplay ng kuryente.

Ang Presidente Duterte na mismo ang naghihikayat sa pribadong sector na tularan ang teknolohiya ng San Buenaventura Power Plant sa Mauban, Quezon. Kung tutuusin, magandang balita ito dahil inaasahan ang kakulangang 600 hanggang 1500 megawatts na suplay sa buwan ng Oktubre hanggang Disyembre 2019. Bahagi ng dahilan ang pansamantalang pagsasara ng Malampaya na nagbibigay ng higit sa 40 porsyentong kinakailangan ng Meralco, at nagsusuplay ng natural gas para sa Sta. Rita, San Lorenzo, Ilijan, San Gabriel, at Avion.

                Magandang malaman na, sa katunayan, nangunguna ang Pilipinas sa ating rehiyon dito sa Asya sa pinakamalaking suplay ng likas-kaya o sustainable na enerhiya.  Nasa 32 porsyento ng kabuuang ginagamit nating enerhiya ang galing sa mga likas-kayang planta. Mas mataas ito kaysa sa panrehiyong target na 23 porsyento lamang. Ilang taon na rin natin itong natatamo.

                Dapat tignan ang kasalukyang patakaran ng pamahalaan sa pagbubukas ng mga plantang HELE bilang paghahalo ng gamit ng mga likas-kayang planta at mga makabagong coal plants.  Napatunayan na sa mga pag-aaral na ang mga makabagong plantang HELE ay mas mahusay sa paglikha ng enerhiya at may mas mababang mga emisyong carbon at non-carbon, at pasado ito sa mahigpit na mga regulasyon sa Asya at Europa. Maihahambing nga raw sa isang plantang natural na gas-fired ang isang plantang HELE sa linis ng emisyon nito.

                Kailangan ito sa ngayon upang maiwasan ang matinding dagok na dinanas natin noong dekada ‘90.  Tungo sa mas likas-kayang opsyon, tuntungan natin sa ngayon ang mga plantans HELE upang maipagpatuloy o mapanatili man lamang ang pagyabong ng ating pambansang ekonomiya.