Ibabangon ng pribadong sektor ang ating ekonomiya
Naganap kamakailan lamang ang isang magandang talakayan sa Zoom, na pinamagatang “Ang Pampribadong Sektor bilang Maaasahang katuwang ng pamahalaan para sa pagpapabangon ng ekonomiya ng bansang Pilipinas.” Inorganisa ito ng Think Tank Stratbase ADR, Inc., isang kilala at respetadong “think tank”.
Sa nasabing talakayan, ilang lider ng mga tanyag na grupong pampribado at pangnegosyo sa Pilipinas ang nagpahayag ng kanilang mga pananaw kung paano makasusulong ang bansa mula sa pagdapa ng eknomiya nito dahil sa epekto ng hinaharap nating krisis pangkalusugan.
Malinaw na para sa mga lider na ito, susi sa muling pagpapasigla sa ekonomiya ng bansa ang isang mahusay at mabilis na programa ng pagpapakalat o paggamit sa mga bakunang nabili na at mabibili pa ng bansa.
Ilang magagandang mungkahi din ang nailahad bilang rekomendasyon mula sa nasabing talakayan.
Pinakatampok na marahil ang mungkahi-pahayag na handa ang mga pribadong grupo na tumulong sa pagbili o pag-angkat ng mga bakuna kung papayagan lamang sila ng pamahalaan. Para dito, nilinaw nila na handa silang sumunod sa kung anumang hilingin ng pamahalaan bilang kapalit sa nasabing mungkahing pag-aangkat ng mga pampribadong grupo.
Ano pa ba ang mahihingi natin mula sa mga negosyanteng ito na handa pa ngang mamuhunan ng paunang bayad para sa mga bakuna na makatutulong naman sa kanilang mga manggagawa sa partikular at sa buong bayan sa pangkalahatan. Malaking kabawasan ito sa gastusin ng pamahalaan na magagamit naman sa iba pang kapwa mahahalagang programa para sa lahat.
Ayon na rin mismo sa isa sa mga nakibahagi sa naganap na talakayan, si Amb. Benedicto Yujuico, tagapangulo ng Philippine Chamber of Commerce, mahalagang pagtuunan na mapanatili ng mga kompanya ang mga trabahong kanilang nalilikha at maparami o mapalago pa ang bilang ng mga ito para na rin sa kapakanan ng mga namamasukan. Kung may trabaho, may sweldo ang mga tao. Kung may sweldo, may pangkonsumo tayo at mabubuhay ang ekonomiya.
Malinaw para sa BK3 ang papel ng lahat para buhaying muli ang ating ekonomiya at kinikilala rin naming sa ganang ito ang papel ng mga mulat at makabayang negosyante gaya ni Amb. Yujuico na nagsusulong halimbawa ng ideya na dapat itaguyod pa ng pamahalaan ang mga gawa at produktong Filipino para na rin sa pagbangong muli ng ekonomiya tungo sa isang bagong bukas kung saan may mas maginhawang pamumuhay para sa lahat, hindi lamang para sa iilan.
Sumanib sana ang lahat ng negosyante sa mala-bisyonaryong pagkilos na isinusulong ng mga grupong ito mula sa pribadong sektor. Marami na silang naitulong ngayong pandemiya at dapat lang na tulungan natin sila palakasin muli ang ating bagsak na ekonomiya. Magaling ang pagtutulungan ng ibang bansa sa kanilang mga industriya at binubuhusan pa nga ng suporta sa pamamagitan ng pagtayo ng imprastraktura at mahusay na pamamalakad ng burukrasya at serbisyong pampubliko. Kaya siguro tayo laging nangungulelat sa maraming bagay.
Itaguyod natin ang responsableng pagnenegosyo. Suportahan po natin ang mga makataong pagtutuwang ng pampribado at pampublikong sektor para sa kagalingan ng lahat. Mabuhay ang Pilipinas!