Ipaglaban ang WPS at ang ating kabuhayan!
Napakayaman sa lamang-dagat ang ating bayan. Subalit, lalo pang lumaganap ang gutom sa ating bansa dulot ng pagkalugmok ng ekonomiya sa ilalim ng pandemya. Dumagdag pa rito ang matinding pagkadismaya nang ibalita mismo ng National Task Force on the West Philippine Sea (NTFWPS), na aabot sa isang tonelada o mga 44-libong kilong isda ang ilegal na hinuhuli ng Tsina mula sa WPS, sa loob mismo ng ating teritoryo, araw araw.
Kawing-kawing na mga usapin ang mauugat sa lantarang pagsisiga-sigaan ng mga tsinong mangingisda at iba pang mga kasapi ng hukbong pangkaragatan ng Tsina sa WPS, lalo na sa ating EEZ o Exclusive Economic Zone kung saan ang mga Filipino lamang ang may karapatang maghanap ng ikabubuhay ayon sa batas internasyonal.
Napakasaklap malaman na kinakamkam na nga ng Tsina ang ating likas na yaman at teritoryong pangkaragatan, direktang pinapatay pa ng mga ilegal na gawain ng kanilang militar at mga mamamalakaya ang kabuhayan ng napakarami nating kababayang mangingisda.
Ayon sa ilang istatistika, kumukonsumo ng nasa 45 kilo ng isda at iba pang lamang dagat kada taon ang isang karaniwang Filipino, isipin na lang natin kung gaano kalaki o kahalaga ang nawawala sa atin sa bawat 24-libong kilo ng isdang kinakamkam araw-araw ng mga tsino mula sa WPS.
Hindi lang mga mangingisda ang apektado sa usaping ito, kundi pati na rin tayong mga konsyumer.
Sa katotohanan, matagal nang naibabalita ang ilegal na pangingisda ng mga dayuhang ito sa ating mga karagatan, lalo lamang tumintindi ngayon.
Dahil dito, marubdob na nananawagan ang samahang BK3 para sa isang matapang na pagharap at pagtugon ng ating pambansang pamahalaan sa usaping ito. Malinaw na hindi ito isang bagay na maaaring iwan lamang sa ating mga pobreng mangingisda. Kailangang tumindig ang ating bansa lalo’t higit para sa interes ng ating mga mahihirap na kababayang nakasandig ang kabuhayan sa yaman ng ating karagatan.
Pilipinas, manindigan! Protektahan ang ating likas na yaman at teritoryo, itaguyod ang ating kabuhayan!