Ipasa ang mga panukalang patungkol sa e-governance
Ayon mismo sa datos ng pamahalaan, tatlo sa bawat apat na Filipino ang may smartphones na nitong 2022 at ginagamit nila ito sa iba’t ibang bagay kabilang na ang pagnenegosyo at pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensiya upang makuha ang mga serbisyo ng pamahalaan.
Nararapat bigyang-pansin kung gayon na ang Pilipinas ay nasa ika-89 na pwesto sa 193 na bansa sa United Nations E-Government Survey. Ibig sabihin nito, higit pang mapauunlad o mapabubuti ang pamamahala sa bansa kung gagamitin natin ang mga sistemang digital o mga pamamaraang nakabatay sa mga kompyuter kabilang na ang mga smartphones.
Kaugnay nito, binanggit nga mismo ni Pangulong Ferdinand R Marcos Jr. sa kanyang unang state of the nation address ang pangangailangan para sa isang mungkahing batas sa e-governance.
Nararapat lamang na ang panukalang batas sa E-governance/ E-Government ang isa sa mga prayoridad ng kasalukuyang administrasyon. Sa pamamagitan nito, maaaring pag-isahin at gawing mas simple ang proseso ng paghahatid ng mga programa at serbisyo sa lahat ng mga tanggapan ng pamahalaan sa pamamagitan ng digitalization.
Kailangan ito upang maisaayos ang ugnayan at koordinasyon sa pagitan ng mga pambansang ahensiya at mga yunit ng lokal na pamahalaan tungo sa mas malakas, mabilis, at mahusay na operasyon at paghatid ng mga serbisyong pampubliko.
Susi ang mga batas na ito para sa digital na transpormasyon ng buong bansa. Kailangan ang mga ito para sa pangmatagalan at sustenidong pagpapaganda ng kalidad ng buhay ng bawat mamamayan lalo na ng mga pangkaraniwang konsyumer.
Mariing panawagan ng aming samahang BK3 sa ating mga mambabatas ang kagyat na pagsasabatas ng E-Governance/ E-Government Act.