Isa na namang palpak na polisiya
Saan naman kaya nahugot ng LTFRB ang ideyang payagan nila na pumailalim “pansamantala” sa sistema ng UHOP at GRAB ang mga drayber ng UBER na matetengga dahil sa suspensyon ng huli?
Isang komplikadong solusyon na tila may bahid ng pagkiling sa mga partikular na interes ang desisyon ng LTFRB na palabasin ang mga UBER drayber sa UHOP at GRAB. Noong unang suspension ay nagtaas kaagad ng singil ang Grab. Kitang-kita kung sino ang yumayaman dito habang hindi natutugunan ang tunay na problema ng mga Pilipinong hirap na hirap maghanap ng masasakyan.
Kung may kikilingan kayong mga namumuno sa LTFRB, maaari bang kaming mga ordinaryong konsyumer at pasahero ang panigan ninyo?
Pasimplehin na lamang natin mga Ginoo sa LTFRB. Pagpiyansahin na lamang ninyo ng karampatang halaga ang UBER. Tanggalin na ang suspensiyon ng Uber at hayaan niyo kaming mga konsyumer ang pumili sa transportasyon na makapaghahatid sa amin nang mahusay. Ang laking istorbo na nito sa aming mga nagtratrabaho nang matino at nagbabayad ng buwis.
Kami ang isipin ninyo. Kaming mga Konsyumer. Kaming mga mamamayan ang dapat ninyong pinagsisilbihan.
Louie Montemar
(Convenor, BK3)