Ituwid ang takbo ng TRAIN
Ituwid ang takbo ng TRAIN
ni Louie C. Montemar
Kamakailan lamang, nilahad sa publiko ni Dr. Dennis S. Mapa ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) ang resulta ng isang pag-aaral na kanyang ginawa hinggil sa batas na TRAIN o Tax Acceleration and Inclusion Act. Si Dr. Mapa, Dekano at Propesor sa School of Statistics ng UP Diliman, ang Coordinator ng Poverty and Hunger Research Lab ng nasabing Pamantasan.
Layon ng pag-aaral ni Dr. Mapa na sukatin ang epekto ng diesel excise tax (partikular na dagdag-buwis) sa mga mahihirap. Nais niyang makalikom ng karagdagang impormasyon na maaaring hindi napag-aralan ng mga mambabatas natin sa kanilang pagpasa ng batas para simulang ipatupad ang TRAIN ngayong taon.
Para sana maging simple, patas at episyente ang sistema ng buwis, pinirmahan ng Pangulo ang batas TRAIN, subalit may mga kontrobersiyal na probisyon ang batas gaya ng pinataw na “excise tax on diesel fuel” — dagdag buwis sa diesel, at dagdag buwis sa mga pinatamis na inumin haya ng mga juice (Php 6.00 kada litro) at mga inuming gumagamit ng high fructose corn syrup gaya ng sopdrinks (Php 12.00 per liter). Dito nagpokus ang pag-aaral ni Dr. Mapa.
Lumabas sa pag-aaral na ito na may direkta at hindi direktang epekto sa presyo ng mga bilihin ang TRAIN at pangunahing nahalaw mula sa pag-aaral ang sumusuonod: una, dama ng mga mahihirap ang naging pagtaas ang presyo simula ngayong unang buwan ng taon; ikalawa, banta sa mga programang pangkaunlaran ng pamahalaan ang mas mataas na inflation sa hanay ng mga mahihirap; at, ikatlo, ang pangakong cash transfer o pamumudmod ng salapi ng pamahalaan sa ilalim ng TRAIN ay di makasasapat upang alalayan ang mga mahirap, lalo na ngayong wala pa man ang cash transfers ay nagsimula na ang pagtaas ng mga bilihin.
Isang naging tampok sa naging pagpapalawig at paglilinaw ni Dr. Mapa na ang pagtaas ng presyo ng diesel, kapag umabot na sa tatlumpung piso (P30) o higit pa, ay nagbubunsod ng mataas na pagsipa ng inflation dahil dito na nagsisimula humingi ng dagdag-singil sa transportasyon ang mga nasa sector ng transport, at dito na rin tumataas ang iba pang mga presyo ng bilihin.
Ikalawa, lumagpas na sa naunang estimasyon ng Banko Sentral ang naging pagtaas ng presyo ng mga bilihin kaya talagang hindi sapat ang sinasabing pagpapamudmod ng salapi sa mga pinakamahihirap na pamilya.
Ikatlo at pinakamahalaga, mas mataas at kung gayon mas mabigat para sa mahihirap na pamilya ang inflation o ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin dahil ang lumalabas na pinakamalaking epekto sa pagtaas ng gastusin ng mga pinakahirap na pamilya ay ang presyo ng diesel at bigas na malaking bahagi ng gastusin ng mga mahihirap. Pinatataas ng presyo ng diesel ang presyo ng iba pang mga bilihin at ang epektong ito ay gumugulong pa ng ilang buwan.
Lumalabas lamang na talagang may pangangailangang muling pag-aralan ang TRAIN. Maaari pang ayusin ang batas rito. Halimbawa, pwedeng maalis o mapatalas pa ang batas para sa interes ng pinakamahihirap nating mga kababayan na ngayo’y lalo pang papasan ng dagdag-hirap sa pagpapatupad ng TRAIN.
Ituwid natin ang TRAIN. Dapat na sagasaan nito ang kahirapan, hindi ang mahihirap.