Kailangan ng mas mabilis at pangmatagalang solusyon sa supply ng kuryente
Hindi lingid sa kaalaman ng mga pampublikong ahensya sa enerhiya gaya ng Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Board (ERB) na may nakaambang malaking kakulangan ng supply ng kuryente sa buong bansa, maging sa Luzon at sentrong rehiyon ng Kamaynilaan.
Sa partikular, ang natural gas source natin sa Malampaya ay may hangganan at papaubos na sa darating na ilang taon lamang (tinatantiyang mga taong 2027). Nakadepende pa naman dito ang 27% ng enerhiya sa Luzon na inaasahan ng limang gas-fired power plants.
Dagdag dito, nakatakdang ipatigil pansamantala ang operasyon ng Malampaya para sa maintenance service sa Oktubre 2021. Isa na namang matinding hamon sa buong bansa ang kalagayang ito lalo pa’t tumitindi ang pagpapahirap ng pandemiyang COVID sa ating mamamayan at naglulugmok sa ating ekonomiya,
Ang punto, patuloy na nauubos ang pinagkukunan ng ating enerhiya o kuryente. Kailangan nating mga konsyumer—nating lahat—ng sapat at maasahang supply ng kuryente.
Kung hindi tatalima ang mga awtoridad sa tamang panahon, malaking krisis sa kuryente at sa enerhiya ang ating haharapin.
Subalit sa ngayon tila masyadong mabagal ang proseso ng pagpapatayo ng mg power plant at hindi makahabol sa pangangailangan ng mga konsyumer at mga industriya. Hindi tayo makaka-ahon sa krisis na ito kung lagging may brown-out.
Kailangan natin silang kalampagin. Kung hindi, pare-pareho tayong magdurusa sa kalaunan, may pandemiya man o wala!
Ang panawagan ng bayan sa gobyerno at industriya ng kuryente, maghanap kayo ng mas mabilis at pangmatagalang solusyon sa supply ng kuryente. Magtulungan kayo!
Prop. Louie Montemar
Convenor, BK3