Krisis sa Tubig: Harapin ang tunay na problema

Sa paglobo ng ating populasyon, lalo lamang tumitingkad ang bagong suplay ng tubig.  Sa ganitong kalagayang mala-krisis, lalo lamang tumitindi ang pangangailangan ng bansa sa isang pamumunong maalam at may tunay na pagsasa-alang-alang sa interes ng lahat.  Ito ba ang nakikita natin sa kasalukuyang Administrasyon?

Sa unang tingin, parang nakakabilib nga ang pagmamatigas ng Pamahalaan sa harap ng sinasabing mataas na mga singil sa tubig at sa ilang taon nang pamamayagpag ng iilang mga mayayamang pamilya—ang “oligarkiya”—na may kontrol sa distribusyon ng tubig lalo na sa kalakhang Maynila.  Ang mga mabibigat at matalas na salita mula sa Malakanyang ay parang tubig na pangtighaw sa mga taong uhaw sa pag-asa.  Tila nakakita sila ng isang kampiyon sa Malkanyang!

Subalit ito nga ba ang tunay na sitwasyon?

Sa kabilang banda, maaaring tignan na tila batang nagdadabog ang Pamahalaan at sinasabing dinaya siya ng kanyang mga kalaro. Hindi naman kasi biro ang pagtatayo, pagpapalago, at pag-aalaga sa isang sistema ng patubig na dati ay higit pa nga and krisis dahil hindi kaya ng MWSS ayusin ang pagseserbisyong patubig.  Kung maging patas tayo sa Maynilad at Manila Water, malaki na rin naman ang naiambag nila sa pagpalawak ng serbisyo sa patubig.

Sa pag-atras naman ng mga distributors na ito sa pagtataas ng singil sa kuryente at sa pagkolekta ng dapat na makukuha sana nilang kabayaran mula sa pamahalaan dahil sa isang kasong kanila namang ipinanalo, lumalabas na may sapat na kapangyarihan ang Malakanyang upang itakda ang presyo ng tubig. Iyon nga lamang, sa kalaunan, maaring binabansot naman ng desisyong ito ang pag-unlad ng sistema at serbisyo sa tubig sapagkat lumiliit ang kapital na maipupuhunan sa pangangalaga at pagpapalago nito.

Higit pa dito, makaaapekto rin sa tiwala ng mga namumuhunan sa ating bansa ang biglaang pagpapawalang-bisa ng mga kontratang kaugnay ng nasabing usapin, lalo na’t may tila pinapaborang ibang mamumuhunang korporasyon ang nakaupo—ang PrimeWater na hindi rin naman kapuri-puri ang rekord sa mga lugar na siniserbisyuhan nito.

Higit sa lahat, kailangan mailinaw na ang pinakamalalang suliranin sa ngayon ay ang kakulangan ng panggagalingan ng sapat na tubig at hindi lamang ang distribusyon nito.  Dito, walang ibang masisisi ang pamahalaan.  Hindi siya handang tugunan ang bagay na ito.  Kakailanganin pa rin niya ang kooperasyon ng lahat, maging ng pribadong sektor.

Tigilan na ang walang kuwentang dakdakan! Harapin ang tunay na problema. Kailangan ang bagong suplay ng tubig. Ito ang dapat buhasan ng pansin ng gobyerno. Kung kulang ang tubig, walang ihahatid ang mga mga concessionaire sa ating mga gripo. Mas mahal para lahat ang walang tubig, nangyari na ito, sana huwag na maulit.