Kumilos Tayo Laban Sa Online Scam!

Ngayong nakita na natin ang benepisyon ng paggamit ng mga digital na technolohiya, kailangan natin maging maingat at sama-samaong pagtulungan ang mga tinatawag na “cybercriminal” na malaking panganib sa internet.

Ayon sa datos na inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas, tumaas ng halos 5,000 na porsyento ang bilang ng mga online na transaksyon sa bansa dulot ng pandemya, sapagkat mas pinipili na ng mga tao na magnegosyo at magsagawa ng kani-kanilang mga transaksyon sa digital na plataporma.

Subalit, kasabay ng pagusbong ng “e-commerce” ay ang pag-laganap ng panloloko at kriminal na gawain laban sa mga online na konsyumer.

Ayon sa datos na inilabas ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group, may 869 na insidente ng online scams ang inireport mula Marso hanggang Setyembre noong 2020, malaking dagdag mula sa 633 na insidente noong 2019. Sa patuloy na paglago ng ating digital na ekonomiya, tiyak na mas marami ang mabibiktima.

Ikinagagalak namin ang naitalang patuloy na pagbilis ng internet sa bansa. Subalit, ang tunay na digitalisasyon ay hindi nagtatapos sa mabilis na internet o sa pagpapatayo ng mga imprastraktura. Kailangan ang maging ligtas ang internet kung saan protektado ang mga mamamayan mula sa panloloko at pang-aabuso.

Nananawagan din kami sa mga kompanya mula sa sektor ng telekomunikasyon at ICT na makialam at patibayin ang kani-kanilang mga inisyatiba laban sa cybercrime.

Halimbawa na lamang ang programang Digital Thumbprint Program (DTP) ng Globe Telecom na nagtuturo sa mga kabataan maging mabuting “digital citizen” at kung paanong maiiwasan ang pang-aabuso at iba pang panganib sa internet. Ang DTP ay kasama na sa K-12 kurikulum ng Departamento ng Edukasyon (DepEd).

Nararapat din na makipagugnayan ang gobyerno sa mga Internet Service Provider (ISP) upang makapaglungsad ng mga kampanya na magpapalaganap ng kaalaman at kamalayan ukol sa iba’t ibang uri ng mga scams tulad na lamang ng “smishing” kung saan magpapadala ng text message ang mga kriminal na nagpapanggap na galing kilalang kompanya at hihingi ng maseselan at personal na impormasyong maaring gamitin sa mga scam.

Higit sa lahat, kailangan natin maging maingat habang gumagait ng internet. Kinukundina ng BK3 ang lahat ng klase ng online scams at nanawagan kami sa gobyerno, sa mga kabilang sa sektor pang-teknolohiya, at maging sa mga NGO at CSO, na magtulungan upang masugpo ang isinasagawang mga panloloko at pang-aabuso sa internet.