Labanan ang Katiwalian: Itaguyod ang E-Governance at Transparency
Sa isang online forum ng grupong Stratbase ADRI nitong nakaraang lingo kung saan nakibahagi ang BK3, malinaw na nakita natin ang kahalagahan ng e-governance bilang isang paraan upang mas maisabuhay pa ang transparency sa pamamahala at sa lipunan at nang sa gayon ay higit nating malabanan pa ang red tape at iba pang porma ng katiwalian sa gobyerno na lagi nating nababalitaan.
Sa e-governance, gumagamit tayo ng kaalaman at teknolohiya sa IT upang lumikha ng mga pamamaraan sa pamamalakad ng gobyerno upang ito ay maging mas maayos, mabilis, at transparent.
Dahil sa information technology, mas madaling nakakapagproseso at nakapagpapakalat ng impormasyon sa mga mamamayan hinggil sa mga usapin at gawain sa sa mga tanggapan ng pamahalaan.
Kung may transparency—ibig sabihin mas naaaninag at mas nauunawaan ng mga tao ang mga ginagawa at nangyayari sa isang tanggapan ng pamahalaan—nababantayan at naiiwasan ang pagkalat ng kabulukan sa gobyerno. Ang “corruption” o katiwalian sa pamamahala ay nagagawa o nagaganap dahil may mga gawaing naitatago sa publiko. Kung mas bukas at nasusuri ng publiko ang mga kaganapan sa pamamahala (sa madaling salita, kung may transparency), mas malalabanan natin ang katiwalian.
Hangad ng BK3 ang pagyabong ng E-governance sa bansa. Pangarap ng BK3 ang transparency sa pamamahala kaakibat nito ang pagsulong ng mas malusog na ekonomiya na ang pangunahing makikinabang ay ang mga konsyumer.
Dahil sa limitado ang ating galaw ngayong may lockdown, namumulat na tayo sa malaking tulong ng teknolohiya at ang lawak ng benepisyo sa lahat ng sektor. Tiyak na na konsyumer ay lilipat na sa on-line transactions at komunikasyon.
Pero, sapat ba ang imprastraktura natin sa bulusok ng mga gagamit ng internet?
Ito ang dapat bigyan ng prayoridad ng pamahalaan. Pabilisin ang pagtayo ng sapat na digital infrastructure sa buong bansa! Tanggalin na ang isang katutak na permit na nagagamit lamang pangipit at pangpatagal sa pagtayo ng mga cell tower na siyang maghahatid ng malakas na signal sa lahat ng dulo ng bansa.
Hindi na ito luho. Kailangan ng bawat konsyumer and mahusay at mas murang serbisyo ng mga telco sa pagbangon mula sa krisis na ito.