Linangin ang kasanayang digital, para sa mga manggagawa at maliliit na negosyo
Nananawagan ang BK3 sa pamahalaan na makipag-sanib pwersa sa mga telco at institusyong pang-edukasyon para planuhin kung paano lilinangin at pag-iigtingin ang kasanayang digital ng mamamayang Pilipino, partikular na ang mga manggagawa at mga MSMEs.
Sa kasalukuyang mundo, kinakailangang hasain ang digital na kasanayan ng lahat ng mga mamamayan negosyante man o mga payak na konsyumer upang makipagsabayan ang ating ekonomiya sa takbo ng ekonomiyang pandaigdigan.
Ano ang silbi ng mga magagarang kompyuter at mga gadget at imprastrukturang digital pati na konektibidad kung wala namang husay at kasanayang digital ang karamihan sa mga mamamayan upang gamitin ang abutin ang potensyal ngimprastruktura?
Ayon sa Asian Development Bank at LinkedIn, napakabilis ng paglobo ng digital na ekonomiya sa Asya at Pasipiko. Ang e-commerce sa rehiyon ay inaasahang aabot sa $2 trilyon pagsapit ng 2025. Kailangan ng ating bansang linangin ang ating yamang-tao upang makibahagi tayo sa naturang paglago ng pandaigdigang ekonomiya.
Upang mapalago ang digital na kasanayan at maiangat ang kredensyal ng ating mga mamamayan at lakas paggawa, dapat nating tiyakin na ang sistema ng edukasyon ay nakatutugon sa usapin ng digital divide.
Sa mga naiiwan sa pag-unlad at hindi nakalalasap ng mga biyaya sa paglago ng ekonomiya, kailangan ang higit na paghahasa sa mga bagong kasanayan.
Kaugnay nito, kritikal para sa mga negosyo, maliliit man o malaki, ang maging madiskarte nang nakabatay sa kasanayan ng talento ng kanilang mga tauhan. Dapat linangin ang pag-iisip ng paglago at yakapin ang panghabambuhay na pagkatuto. Ibig sabihin, kailangang linangin lagi kung paano magpapatuloy sa paglikha ng mga pagkakataon upang higit pang mapalago ang kabuhayan ng nakararami — susi dito ang pangangalaga sa mga MSME o micro, small and medium na syang gulugod ng ating ekonomiya.