Madadapa ang asenso kung kulangin ang kuryente

Sa kabila ng samu’t saring usaping sumusulpot sa ngayon, isa pa rin ang bansa natin sa mga may pinakamabilis na lumalagong ekonomiya sa Asya-Pasipiko.  Mahigit dalawang taong tuluy-tuloy ang naging paglago ng ekonomiya natin ng mahigit sa 6.5%. Halos kapantay ito ng sa Tsina na nasa 6.8% nitong unang tatlong buwan ng 2018.

 

Abot kaya at regular na suplay ng enerhiya o kuryente ang isang mahalagang sangkap upang maipagpatuloy ang paglagong ito. Upang patuloy na maungusan ang Indonesia (5.1%) at mahabol ang Vietnam (nasa 7.4%), hindi natin pwedeng balewalain ang mga senyales na maaaring kulangin na ang ating suplay ng kuryente.

 

Halimbawa na lamang, nagkaroon ng pitong (7) pagkakataon ng mga dilaw na alerto sa Luzon noong unang hati ng 2018 kumpara sa tatlong (3) lamang sa parehong panahon noong nakaraang taon. Hindi kataka-taka ang mga pag-alertong ganito sa pagbaba ng suplay ng kuryente dahil batay sa mga pinakabagong datos ng Kagawaran ng Enerhiya, ang karagdagang kapasidad sa paglikha ng kuryente na naka-install sa Luzon ay lumaki lamang ng 4.3% (mula sa 15,745 MW noong 2017 hanggang 16,426 MW sa unang hating-taon ng 2018), habang may 8.2 porsiyento na pagtaas sa demand (mula sa 10,054 MW noong 2017 at naging 10,876MW sa unang kalahati ng 2018).

 

Dagdag pa rito hindi halos nadama ng mga konsyumer ang pagbaba sa average na taripa ng Meralco kahit pa bumaba na nga ito ng 4% mula noong Enero 2016.  Higit na mababa ito kumpara sa 12% average na pagtaas sa kaso ng 46 na iba pang bansa na kabilang rin sa isang survey ng International Energy Consultants (IEC), isang Australyanong kumpanyang bihasa sa mga usaping enerhiya sa Asya.

 

Ayon sa IEC, bumaba mula noong 2012 ng kabuuang 18 porsyento ang kasalukuyang pagpepresyo ng Meralco (P/kWh) sa kuryente ngunit tunay na mararamdaman lamang ang pagbaba ng presyo ng kuryente kung patuloy na bababa ang halaga ng produksiyon nito. Mungkahi rin ng naturang pag-aaral ang mas mabilis na pagpapatayo ng mga makabagong generation plant upang matugunan ang mabilis na pagtaas ng demand at maiwasan ang biglaang pagbulusok ng presyo katulad noong panahong  madalas ang brown out. Kailangang mabawasan ang sobra-sobrang red tape upang mapadulas at mapalaki ang pamumuhunan sa sektor.

 

Nananawagan, kung gayon, ang BK3 sa ating mga namumuno upang ayusin at pabilisin ang pamumuhunan sa sektor ng enerhiya. Para sa mga konsyumer, maibababa ang presyo ng kuryente sa pamamagitan ng kagyat at istratehikong pamumuhunan sa sektor ng enerhiya at pagpapadulas ng mga pamumuhunan dito.  Higit sa lahat, hindi natin mapalalago pa ang ating ekonomiya kung kulang tayo sa mga planta ng enerhiya.

 

Huwag na natin hintayin magkaroon ng krisis sa enerhiya. Huwag na natin hintayin bumalik ang magdamagang brown-out. Huwag na natin hintayin ang kulang at napakamahal na kuryente.

 

Maraming proyektong pang-enerhiya ang ilang taon nang nakabitin. Kapag inabutan na naman tayo ng sunod-sunod na brown-out, tanging gobyerno lamang ang sisisihin at puputukan ng malaking galit ng lahat ng tao sa bansa.