MAGHANDA PARA SA BAGONG ECQ AT USAPING KURYENTE
Muli na namang sasailalim sa Enhanced Community Quarantine o ECQ ang NCR at muli na namang sinuspinde ng Meralco ang pagputol nito ng serbisyo ng kuryente. Mainam ang bagong ECQ na ito para makatulong sa layunin ng gobyerno na mapabagal ang pagkalat ng bagong DELTA variant ng COVID-19 virus.
Pero para sa mga maiiwan sa bahay at kokonsumo ng dagdag na kuryente, mabuting ngayon pa lang ay paghandaan na ito. Maging masinop sa paggamit ng ating mga kagamitan sa bahay upang tayo ay makatipid at upang maiwasan ang labis na paglobo ng ating konsumo sa kuryente.
Hindi maipagkakaila na dahil sa dalawang nagdaang ECQ ay lubos na na-apektuhan ang sistema ng pagbayad sa kuryente ng mga consumers. Nagkapatung-patong ang mga bayarin ng mga kababayan nating naapektuhan ng virus hindi lang sa kalusugan kundi pati na rin sa kabuhayan. Kung kaya’t dapat ring mas maging mapanuri sa mga kagamitang may mas mataas na Energy Efficiency Ration (EER). Patuloy na tumutok sa iba’t-ibang paraan ng pagtitipid na magmumula sa mga eksperto.
Dagdag dito, hinihikayat ng BK3 ang bawat sambahayan na ngayon pa lang ay agad nang pag-usapan at ayusin ang mga bayarin na parating, lalo na sa kuryente. Matatandaang matapos ang ECQ ay dinumog ang Meralco ng mga customers na may mga katanungan at mga nagnanais na palawigin pa ang panahon para makabayad ng mga naiwang bills.
Paalala rin ng BK3 sa ating mga kababayan, huwag na muling paabutin sa ganitong sitwasyon at ngayon pa lang ay makipag-usap na sa Meralco tungkol sa pagbabayad ng bills. Matatandaang nanawagan din ang Department of Energy kamakailan para hindi tayo maperwisyo at walang maging problema sa suplay ng kuryente.
Kaya naman, sa mga may kakayahan na makapagbayad ng kinonsumo sa kuryente ay mas mabuting gawin na ito sa lalong madaling panahon. Para naman sa mga nangangailangan pa ng kaunting panahon, gawin na rin ang pakikipag-usap ngayon.
Mas mabuti nang tayo ay handa. Sa pamamagitan nito ay maiibsan natin ang matinding epekto ng panibagong ECQ. Huwag tayong mawalan ng pag-asa, sama-sama nating malalampasan ito.