MAIGTING NA UGNAYANG PAMPUBLIKO AT PAMPRIBADO: SUSI SA TUNAY NA PAG-AHON

Kinakailangan ng mas matinding ugnayan sa pagitan ng pamahalaan at ng pampribadong sektor upang makamit ang mas mabilis at mapanglahok o inklusibong pagbangon ng ekonomiya ng Pilipinas!

Hindi na sapat ang mga luma’t laos na mga patakaran at maburukrasyang pamamaraan ng pamamalakad sa ating ekonomiya.

Matinding dagok ang dulot ng pandemya hindi lamang sa sektor pangkalusugan kundi pati na rin sa sektor ng mga negosyo kung saan nanggaling ang karamihan ng trabaho. Kung ninanais natin ang tunay na pag-ahon at pag-unlad, kinakailangan na palakasin ang mga ito lalo na ang mga micro, small, at medium enterprises (MSMEs) na tinaguriang “backbone of the economy”.

Upang mapabilis ang paghilom ng mga sugat na ating natamo sa ilalim ng pandemya, kailangan isulong ang mga patakaran at polisiyang makapagpapalakas sa pribadong sektor lalo na sa kakayanan nitong magpalago ng kabuhayan at sa pambansang ekonomiya.

Bukod sa maayos na implementasyon ng ating mga programang pagpapabakuna, susi rin sa pagbangon ang pagpapalago ng pangangalakal at hanapbuhay. Hindi ito basta-basta makakamit ng gobyerno kung siya’y nag-iisa. Kailangan nito ang pribadong sektor bilang katuwang sa pagbuo ng isang sistemang pang-ekonomiya na progresibo at inklusibo.