Muling Pag-aralan ang Desisyon sa Dagdag-pasahe
Tila wala sa tono at tiyempo itong LTFRB sa kanyang desisyong maitaas na sa sampung piso (P 10) ang batayang pamasahe sa mga public utility jeepneys (PUJ) simula Nobyembre. Inaprubahan ng LTFRB ang hiniling noon pang Setyembre 2017 ng ilang samahan ng mga jeepney driver at operator na itaas ang minimum na pamasahe sa P10 sa Metro Manila, Gitnang Luzon, at Calabarzon, dahil sa mas mataas na presyo ng gasolina.
Kailan lamang ay nagbaba naman na ng presyo ang ilang mga gasolinahan. Napipinto rin ang pagbaba pa ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan. Nagsisimula na ring bumaba ang presyo ng bigas. Lalo lamang wala sa tiyempo ang pasya ng LTFRB.
Dagdag pa rito, ayon mismo sa isang kasapi ng LTFRB, si Aileen Lizada, may sulat nitong Oktubre 2 mula kay Undersecretary Rosemarie Edillon ng National Economic and Development Authority (NEDA), na nagmumungkahi lamang ng P9.50 minimum na pamasahe para sa mga public utility jeepney (PUJ) dahil lalo lamang lolobo ang mga presyo ng mga bilihin kung papayagan ang dalawang pisong dagdag-pasahe.
Ayon sa NEDA, ang P10 PUJ minimum fare ay bahagyang itulak ang taunang inflation ng 0.076 percentage points (ppt) sa 2018 lalo na kung ipatutupad sa Oktubre, at tutulong sa “mas mataas na taunang inflation” sa 2019 sa 0.221 ppt.
Nagpahayag na rin ang ilang mga samahan ng manggagawa na dahil sa dagdag-pasaheng ito, hihiling sila ng karagadagang pasahod. Maaaring lalong itulak lamang nito ang presyo ng mga bagay sa pamilihan.
Mismong ang ilang samahan ng mga PUJ ay hindi lubos na sang-ayon sa matinding dagdag-pasahe na ito. Mas minumungkahi nila ang pagrepaso sa TRAIN o ang pagsuspindi sa dagdag-buwis o excise tax sa mga produktong petrolyo gaya ng gasoline at diesel at pagpapalawig ng mga subsidyo sa mga aktwal na namamasadang drayber.
Sa ordinaryong konsyumer, tila mainam ang anumang pagbaba ng presyo ng mga bilihin. Sa unang tingin, tanggap siyempre ng marami ang balitang bawas-pasahe. Iyon nga lamang, kung iisipin, baka nga mas talo pa ang mga konsyumer sa kalaunan kung basta na lamang hahayaan ang lahat ng hiling sa pagtataas ng mga kinokontrol na halaga ng serbisyo’t bilihin.
Nananawagan ang BK3 na pag-aralang maigi ng LTFRB ang kanyang desisyon hinggil sa pamasahe ng mga jeepney. Hindi naman sa ayaw nating kumita ang ating mga kaawa-awa nang drayber. Bagkus, nais nating guminhawa ang buhay na lahat. Sa mga maling pasya nga lamang, baka lalo pang maging kaawa-awa ang mga drayber natin, pati na lahat ng konsyumer.