NAKALALASONG SUKA AT NAGBABANGGAANG TREN!
Sa labimpitong brand ng suka o vinegar na nasa pamilihan sa ngayon, tatlo lamang ang ligtas para sa pagkonsumo ng tao. Ibig sabihin, ilang taon nang kumakain ang marami sa mga Filipinong konsyumer ng mga bagay na hindi ligtas para sa kalusugan ng tao!
Batay ang ibinalitang ito sa pag-aaral ng isang ahensiya ng pamahalaan, ang Philippine Nuclear Research Institute. Mismong ang Department of Agriculture ang nagpahayag na labag ang kalakarang ito sa Food and Safety Act ng bansa at kailangang itaas raw ang pamantayan sa kalidad ng ginagawang suka sa bansa.
Mukhang kulang pa nga ang aksiyon dito? Bakit hindi tukuyin agad ang mga brand na hindi ligtas? Bakit hindi agad ikalat ang balita ng malawakan para na rin sa kapakanan ng lahat?
Sa kabilang banda, paano at bakit nga ba nagkabanggaan ang mga LRT coaches kamakailan lamang sa may Cubao-Anonas station? Nang itaas ang pamasahe sa LRT, pinaasa tayo sa mas mainam na serbisyo. Nasaan na ang mas mainam na serbisyo? At sino na nga ba ang mga dapat managot? Isang masusing pag-aaral ang kailangan dito upang makapaglabas ng mga rekomendasyon na magtitiyak na hindi na mauulit ang ganitong uri ng insidente.
Wala mang malubhang nasugatan o nasaktan sa banggaan, kailangan ng seryosong aksiyon hinggil rito. Hihintayin pa ba nating may mamatay?
Sa kapwa kaso ng sukang nakasisira sa kalusugan at ang banggaan ng mga LRT coaches, ang konsyumer ang nalalagay sa kapahamakan. Kailangan natin ng mas malinaw na impormasyon, desisyon, at aksiyon mula sa mga otoridad upang matiyak ang ating karapatan at kaligtasan bilang mga konsyumer at mamamayan.
Department of Agriculture at Light Rail Transit Authority, paano na? Nagbabantay kami dahil kami rin naman ang tatamaan ng anumang pagkukulang o katiwaliaang nagdadala sa mga nabanggit na usapin. Lahat tayo ay nasa balag ng alanganin!