PAG-AMYENDA SA INTELLECTUAL PROPERTY LAW KONTRA ONLINE PIRACY, DAGLIANG ISULONG!
Sa pag-usad natin pasulong ay dumating na tayo sa makabagong panahon. Ito’y mas kilala sa tawag na “Digital Age” na siya nating lubusan pinakakikinabangan sa araw-araw na pamumuhay. Isang malinaw na katibayan ay noong kasagsagan ng pandemya halos lahat tayo ay napirmi sa loob ng ating mga kabahayan. Sa puntong ito, tayo ay humanap ng mga kaaliwan at libangan sa pamamagitan ng ating mga computer, cellphone at internet. Ang panonood natin sa mga online content gaya ng iba’t – ibang mga videos ang siya nating kinagiliwan. Subalit ito din ay naging daan sa mga kawatan na makapamirata ng mga online content na imbis na ang tunay na may-ari ang kumita at mabigyan ng pagkilala ay sila lamang ang nakikinabang.
Patuloy ang ating mga Pilipino sa malikhaing industriya (creative industry) na gumugugol ng kanilang perang puhunan, panahon, talino at husay sa paglikha ng mga online content subalit dahil sa laganap na Online Piracy ay napakalaking halaga ang nananakaw ng mga pirata. Lubhang nakapanlulumo ito lalo na’t hindi biro ang pinagdaanan ng mga nasa ganitong industriya upang makabuo ng isang online content.
Napakatindi ng epekto nito sa hanay ng Digital Creative Industry. Dahil sa patuloy na pagkalugi dulot ng pamimirata ay malaki ang posibilidad ng pagsasara ng Digital Creative Industry sa ating bansa. Tiyak ito ay magreresulta ng kawalan ng kabuhayan at hanap-buhay na umaasa dito. Ito din ay nangangahulugan ng kawalan ng nararapat na buwis. Buwis na dapat malikom na para dapat sa bayan. Huwag nating hayaan na ito ay pakinabangan ng mga pirata.
Kailangan na itong masugpo at mawakasan. Sa kasalukuyan ay may umiiral tayong Intellectual Property Law na kung saan ay di kabilang sa probisyon ang “Electronic at Online Content”. Ibig sabihin ay lipas na ang batas at nangangailangan ng pag-amyenda dito upang matugunan ang hinihingi ng panahon. Ito ang nagiging dahilan kung bakit ang mga kawatan ay patuloy na namamayagpag.
Upang maprotektahan ang hanay ng Digital Creative Industriy laban sa mga pirata sa internet ay kailangan ng akma at napapanahong mga polisiya o batas. Nakapaloob sa amyenda na maaaring i-block ang mga websites na mapapatunayan sangkot sa pamimirata, palalawakin ang pagpapatupad ng tungkulin ng Intellectual Property Office gaya ng pagsisiyasat, mangalap ng intelligence at bumuo ng mga hakbang bilang panugpo kontra sa pamimirata.
Ang online piracy ay isang makabagong uri ng pagnanakaw. At sinuman tumangkilik dito ay sangkot din sa pagnanakaw. Huwag din nating hayaang ang ating kinaaaliwang pelikula at musika ay tuluyang maglaho. Dapat magtulungan ang ating mga mambabatas, ang pribadong sektor gaya ng mga Internet Service Provider, Intellectual Property Office at higit sa lahat ang mamamayan ay kailangang magsanib-pwersa laban sa mga pirata dahil ang bawat isa ay may magagawang pigilan ito.
Kaisa ang BK3 sa panawagan: Dagliang Pagsusulong ng Pag-amyenda sa Intellectual Property Law!
Pet A. Climaco
Secretary – General
BK3