Pagtutulungan at tunay na bayanihan

Bilyun-bilyong piso na ang inutang ng pamahalaan para matugunan ang pangangailangan para sa isang malawakang pagbibigay serbisyo sa publiko upang makabangon ang ekonomiya mula sa pandemya. Subalit nasaan na ang mga naturang serbisyo?  

Ang pribadong sektor at mga karaniwang mamamayan ay nagpakita na ng hindi matatawarang pagtulong sa bayan upang ating maharap ang mga hamon na dulot ng pandemya. Tigilan na sana ng mga pinuno natin ang pamumulitika nang agad na matugunan ang mga pangangailangan ng mamamayan.

Kailangan natin ng pagtutulungan at tunay na bayanihan sa pagitan ng pamahalaan at pampribadong sektor, hindi ang mga wala sa lugar na panggigipit. Higit sa lahat, huwag gamitin ang bakuna at ayuda upang mangampanya sa parating na halalan! Panawagan ng mga konsyumer at ng mga maayos na nagbabayad ng buwis sa pamahalaan: Isulong ang interes at ikabubuti ng taumbayan at hindi ng sarili!