Pahayag ng BK3 hinggil sa Competitive Selection Process (CSP)
Magandang balita para sa ating lahat bilang mga konsyumer ng elektrisidad ang pagkakaroon ng tinatawag na Competitive Selection Process o CSP ayon sa disenyo ng Department of Energy (DOE). Ang CSP ay kompetitibong proseso ng pagpili sa magiging suppliers ng kuryente para sa gawain ng mga DUs o distribution utilities gaya ng Meralco.
Nabalitang naisagawa na ang isang matagumpay na CSP para sa 1,200-megawatt na karagdagang enerhiyang kailangan ng Meralco.
Ayon sa pinakabagong PSA o power supply agreement na pinasok ng Meralco katuwang ang Phinma Energy Corp., San Miguel Energy Corp. at South Premiere Power Corp. (na isa ring yunit ng Miguel), magsisimulang maging epektibo ang kontrata sa Disyembre 26, 2019 at tatagal ito ng sampung taon.
Sa loob ng isang dekada, magsusuplay ang tatlong naturang kompanya ng kabuuang 1,200 megawatt na enerhiya sa Meralco sa napakamurang halaga kumpara sa karaniwang mga naging bentahan. Ang magandang balita, ayon sa Meralco, makatitipid tayo ng kabuuang 9 bilyong piso sa loob ng naturang panahon.
Sa mga nalagdaang kasunduan matapos ang CSP, sinasabing mas mababa pa sa P5.88/kilowatt-hour (k/Wh) ang magiging presyo ng kuryente natin—mga P4.63 hanggang 4.74 per kWh, sa loob ng sampung taon, ayon sa Pangulo at CEO ng Meralco na si Ray C. Espinosa.
Suportado namin ang pagtulak ng DOE Kalihim Alfonso G. Cusi na agarang ipatupad ng mga DU and CSP upang maging mura ang kuryente. Ayon na rin DOE ay marami pang kailangan habuling kapasidad para maiwasa ang mga brown-out.
Nakalulugod ito! Magaling! Pababain pa ang preso ng kuryente!