PAHAYAG NG BK3: Trabaho, pagkain, at serbisyong pangkalusugan para sa Uring Manggagawa!
Trabaho at kasiguruhan sa paggawa, sapat na sweldong makabubuhay sa pamilya, at abot kayang presyo ng mga bilihin―ito ang mga tatlong pangunahing alalahanin ng mga pamilya ng karaniwang Filipino. Maliwanag at patuloy na ipinapakita ng mga pambansang pag-aaral (tulad ng mga survey ng Pulse Asia), ang halaga ng mga ito sa mga masa. Dito umiikot ang pangarap at panawagan ng ating mga kababayang manggagawa.
Ngayon, sa panahong ito ng pandemikong COVID kung saan mas tumindi pa ang pangangailangan sa serbisyong pangkalusugan. Lalo lamang bumigat ang mga pasanin ng pobreng Filipinong manggagawa.
Tinatayang may 18 hanggang 29 milyong manggagawa ang apektado dahil sa Covid quarantine at lockdown. Ibig sabihin, bumaba ang kita, nawalan ng kita, o nawalan ng trabaho ang maraming manggagawa. Higit kalahati ng buong bilang ng manggagawa ang lalo pang nalubog at nalulunod sa gutom at kahirapan.
Kailangan ng kagyat na aksiyon mula sa pamahalaan!
Alalahanin natin at bigyang-diin ngayong araw ng paggawa ang tunay na frontliners sa pagsulong ng ating lipunan—ang uring manggagawa! Panawagan ngayon ng Bantay Konsyumer, Kuryente at Kalsada (BK3) ang protektahan ang mga nanganganib na trabaho ng mga manggagawa tungo sa pagbuo sa tinatawag na “new normal.”
Para sa BK3, ang ibig sabihin dapat ng “business continuity” ay pagtuunan at suportahan ng mahuhusay na interbensiyong pang-ekonomiya ang ngayo’y hirap na pribadong sektor upang hindi mawalan ng trabaho ang ating mga manggagawa at mabigyan sila ng sapat na ayuda. Dapat bigyang pansin dito ang iba’t ibang sektor ng paggawa kasama na ang mga self-employed at hindi permanente ang trabaho, ang mga impormal na manggagawa, at lahat ng nasa negosyo, lalo na iyong mga maliliit.
Sa madaling salita: Trabaho, pagkain, at serbisyong pangkalusugan para sa uring manggagawa! Ito ang tatlong dapat tiyakin ng pamahalaan upang malagpasan natin ang kasalukuyang krisis at matiyak ang patuloy na pagbangon at pag-unlad ng ekonomiya pagkatapos ng pandemiko.
MABUHAY ANG MANGGAGAWANG FILIPINO!
Louie C. Montemar
Convenor
Bantay Konsyumer, Kalsada, Kuryente