PANAHON NG TAG-INIT, LALONG MAG-IINIT
Nagbabadya na ang kakapusan sa suplay ng tubig sanhi ng papalapit na panahon ng tag-init at mas lalo pang magiging mainit dahil na rin sa kakulangan ng suplay ng kuryente. Ayon sa Pambansang Pangasiwaan ng Elektrisidad (NEA) sa panahong ito ay nagbabadya ang brownout na makakaapekto sa ibat-ibang panig ng Luzon.
Sa bahagi ng mga industriyal na sektor, kailangan na munang gamitin pansamantala ang kani-kanilang generator upang makabawas sa demand ng kuryente. Maging mulat din ang bawat mamayan sa pagiging masinop sa paggamit ng mga kasangkapang gumagamit ng kuryente. Piliin ang mas nakakatipid na konsumo na mga kasangkapan pangkuryente at tiyaking ginagamit sa kapakinabangan ng nakararami.
Ang kinakaharap nating suliranin sa kuryente ay muling mauulit pa kung hindi tutugon ang ating pamahalaan na maghanap ng mas bago at maaasahang suplay ng kuryente. Kinakailangan ng dagliang pagtugon sa pagbibigay ng pahintulot na makapagtayo ng mga panibagong planta para palitan na ang mga lumang teknolohiya na madalas masira at mausok. Pataas ng pataas ang demand subalit napagiiwanan ang suplay ng kuryente.
Ang kolektibong pakikiisa at pagtutulungan ay malaking bagay upang makatawid tayo sa ganitong krisis. Ang kawalan o kakulangan sa suplay ng kuryente ay lubhang magastos at pabigat sa lahat ng industriya at lalo na sa mga ordinaryong konsyumer.