Panawagang Bilisan ang mga Proyektong Pang-Enerhiya

Umaasa ang Bantay Konsumer, Bantay Kalsada, Bantay Kuryente (BK3) na ang Executive Order No. 30 ay magiging isang mahalagang solusyon na siyang tutugon sa kakulangan ng suplay ng enerhiya sa ating bansa. Ang EO 30 na kalalagda lamang ni Pangulong Duterte ay lumikha ng “Energy Investment Coordinating Council (EICC)” upang mapabilis ang proseso ng pagpapatupad ng mga proyektong pang-enerhiya.

Isa sa mga tungkulin ng EICC ay gumawa ng mabilis at simpleng patakaran ng lahat ng mga kawanihan ng gobyerno na may kaugnayan sa pagpapaapruba ng permit pati na ang pag-asikaso at pangangasiwa ng mga proyektong nakakaapekto sa pag-unlad ng ating ekonomiya o mga “Energy Projects of National Significance (EPNS)”. Inaasahan ang EICC ang mangangasiwa ng database o web-based monitoring kung saan makikita ang kalagayan ng mga proyektong ito.

“Ang EO 30 ay maituturing na isang malaking hakbang upang matanggal ang katiwalian sa gobyerno, lalong lalo na sa pagbibigay ng mahigpit na oras sa pagbigay ng mga permit at sa pagbantay sa mga status ng mga EPNS. Naniniwala kami sa layunin ng EO na isulong ang maagap na pagtayo ng mga karagdagang proyekto, tulad ng mga planta at transmission lines, para sa tuloy tuloy na daloy ng kuryente, hindi lamang sa kalakhang Maynila ngunit sa iba pang malalayong lugar sa ating bansa.”, ayon sa Secretary General ng BK3 na si Pet Climaco.

Sa kasalukyan, mayroong higit sa limampung (50) nakabinbin na Power Supply Agreements (PSAs) sa Luzon at Mindanao na naghihintay ng aksyon mula sa Energy Regulatory Commission (ERC). Ang pagbigay ng pahintulot sa mga kontratang ito ay isa sa mga hakbang upang magkaroon ng sapat na suplay ng kuryente at palakasin ang kompetisyon ng mga kompanya ng power plant. Dahil dito makakaasa ang mga konsyumer ng mas mababang presyo ng kuryente. Kung sapat ang dami ng mga ‘power plant’, hindi na tayo matatakot sa mga ‘unscheduled outages’ na nakita na nating ilang beses nangyari dahil sa kalumaan ng planta o dahil sa mga natural na kalamidad.

“Nanawagan kami sa EICC, ERC at DOE na makipagtulungan sa isa’t isa para sa kapakanan ng pag-unlad ng ating bansa, lalong lalo na sa mga Pilipinong lubos na umaasa sa kuryente para sa araw-araw na pamumuhay at hanapbuhay. Sana po ay mabilis na maaksyunan ang mga nakabinbin na PSA upang maging sapat ang suplay ng kuryente sa mga konsyumer.”, sabi ni Climaco.