Panunupil sa pamamagitan ng batas

Sa gitna ng krisis, nasaksihan natin ang ilang mga kontrobersyal na aksyon ng gubyerno tulad ng pagpapasara sa ABS-CBN network, ang konbiksyon ni Maria Ressa sa kasong cyberlibel, at ang mala-kidlat na pag-apruba sa Batas Laban sa Terrorismo.

 

Habang ang mga Pilipino ay patuloy na nagkukumahog mabuhay sa gitna ng pangkalusugan at pang-ekonomiyang kalamidad, ang mga galaw na ito ay walang naitutulong at tila pinag-aaway pa tayo sa isa’t-isa.

 

Ayon sa isang katatapos na sarbey na inilabas ng Social Weather Stations (SWS), 51% ng mga Pilipino ay sumasang-ayon na “delikadong maglathala ng anumang kritikal na pahayag tungkol sa administrasyon kahit ito ay totoo.” Sa madaling salita, tumatalab na ang mga mapangsindak na galaw ng gobyerno.

 

Napakasamang pangitain na nga sa ating mga kabataan ang ugaling pagmumura at asal siga sa mga pinagi-initan niyang tao na ginagamit niyang pang aliw o kaya’y pantakip sa mga kakulangan ng gobyerno sa pagsawata ng virus galling sa Tsina.

 

Gamit ang mga galamay ng administrasyon, ang mga banta laban sa kalayaan ng pananalita at atake sa mga pribadong kumpanya, para lang may ibang sisihan o pagtuunan ng galit ang mga tao, ay malinaw na halimbawa sa paggamit ng batas bilang sandata o instrumento ng panunupil.

 

Sa isa pang sarbey ng SWS, malaking bahagi ng mga Pilipino, 60%, ang naniniwalang kailangang pasanin ng gubyernong nasyunal ang mas malaking responsibilidad sa pagtugon at paglutas ng pandemya.

 

Kailang tigilan na ang mapaghating pamumulitika at baguhin ang tono ng mga pananalita tungo sa pagsulong ng isang panlahatang pagtugon o whole-of-society approach laban sa krisis.

 

Ang BK3 ay nananawagan sa ating gubyerno na panaigin ang batas bilang panlipunang alituntunin at hindi bilang baril para idagok ang kagustuhan at interes ng mga nasa kapangyarihan. Dagdag rito, kailangan nating ipagtanggol at ipaglaban ang mga karapatang nakasaad sa ating Konstitusyon upang mapangalagaan at maitaguyod ang kapakanan ng mga mamamayan.

 

Ang kailangan ng mga mamayan ngayon ay pagkain at hanap buhay. Kailangan na natin buhayin ang bagsak na ekonomiya. Magtulungan tayo at ibaling ang ating lakas tungo sa pagdadamayan upang ang lahat na sektor ay magkaisa laban sa tunay na problema, ang pandemya.

 

Nakita natin kung gaano kabilis gumalaw ang pribadong sektor at laki ng tulong sa pagbigay ayuda sa mga mahihirap at iba pang suporta sa mga programang pangharap pandemya ng gobyerno. Ang pribadong sektor rin ang ating aasahan para mamuhunan sa pagbuhay ng mga negosyong magbibigay ng trabaho at unti-unitng magpapalakas muli ng ating ekonomiya.

 

Nakakarindi na ang ingay ng pulitika. Walang-wala sa lugar. Nagsasayang tayo ng oras at pagod. Tutukan natin ang maka-arangkada ang ating ekonomiya. Matuto tayong gumalaw na hindi tayo nahahawahan ng Wuhan virus.

 

Louie C. Montemar, Convenor, BK3