Para sa Isang Matatag na Sistemang Pangkalusugan
Lalo lamang nalantad ang kahinaan ng ating sistemang pangkalusaugan sa pagtindi ng pandemiya sa Covid 19. Sa pagtaas ng bilang ng mga naitalang kaso sa higit na isandaang libo, saan na ba tayo patungo?
Kung halos lahat na ng mga ospital ay umaapaw na sa bilang ng mga maysakit, lalong kailangan natin ng maayos na pamamahala at mas mahigpit na pagkakapit-bisig ng pampubliko at pampribadong sector pangkalusugan. Laban nating lahat ito!
Nitong 2019, nilagdaan ni Pangulong Duterte ang pambansang batas para sa universal na pangangalagang pangkalusugan pati na at ang batas para sa Integrated cancer control. Ang mga ito ay kapwa para sana gumanda at maging pangkalahatan ang serbisyong pangkalusugan sa buong bansa. Sa mga naturang batas, tutugunan sana ang pangangailangan ng sektor ng pampublikong kalusugan—para sana maparami ang mga pasilidad, masuportahan ang mga manggagawang pangkalusugan, at maitaguyod ang makabagong teknolohiya sa kalusugan. Sa ilalim ng kasalukuyang krisis, lalo lamang naging matindi ang ating pangangailangan sa mga naturang batas.
Halimbawa na lamang, makakatulong sana ngayon ang isang mainam na digital na imprastraktura at deployment ng mga panteknolohiyang solusyong magtataguyod sa distancing. Sa pinainam na mga online na serbisyo, mas madulas sana ang tambalan ng mga institusyong medikal at mga ahensya ng gobyerno sa ating mga komunidad. Hindi na bago ang teknolohiya ng telemedicine—ang makabuluhan at malikhaing ugnayan ng telekomunikasyon at medisina. Nakapagbibigay-daan sana ito sa mabilis na pagtatasa ng datos sa pagpapatupad ng estratehiya laban sa pandemiya.
Ito ang pagkakataon upang mamuhunan ng higit sa imprastraktura at mga manggagawa ng public health at ng healthcare system sa kabuuan. Sa pamamagitan ng mabuting pamamahala at pamumuhunan gamit ang 2021 pambansang badyet, mapapalakas natin ang health care system ng bansa. Kailangan ikawing ito sa isang maayos na estratehiya para sa muling pagpapalakas ng ekonomiya.
Nanawagan ang BK3 sa ating Kongresista na bigyan nila ng saysay ang mga batas pangkalusugan. Kailangan na ang madaliang implementasyon ng mga programang pangkalusugang nakabalangkas sa mga batas na UHC at NICCA. Tungkulin ng mga mambabatas na bigyan ng sapat na pondo ang mga batas na ito!