Para sa lipunang digital-ready, hikayatin ang pamumuhunan at pagyamanin ang kakayanan ng mamamayan

Mahalaga ang digital na imprastraktura upang makabawi sa krisis at umunlad ang ating ekonomiya. Ngunit ito ay makakamit lamang kung ang Pilipinas ay may mga patakarang kaaya-aya sa mga namumuhunan at kung ang pinagsanib na lakas ng mga manggagawa, ng publiko, at ng pribadong sektor ay pinayaman ng digital na kasanayan na nakatuon tungo sa inobasyon at pambansang transpormasyon.

Ang pagbuo ng kumpiyansa ng mga namumuhunan ay isang mahalagang salik sa pag-unlad ng bansa lalo na sa makabagong panahon kung saan lalong tumitindi ang pandaigdigang kompetisyon ng mga ekonomiya.

Nakita naman natin noong kasagsagan ng lockdown dulot ng pandemya na malaking bahagi na ng ating pang-araw-araw na pamumuhay ang nakaasa sa teknolohiya. Sa makabagong mundong ito, kailangan ng aksyon ng gobyerno para mas marami pa sa ating mamamayan ang umunlad ang kakayanan sa aspetong digital.

Upang maganap ito, dapat pagtibayin ng pamahalaan ang pakikipagtuwangan sa pribadong sektor upang maging digitally ready ang ating bansa.

Para sa BK3, mainam na hakbang tungo sa pagbabagong pampatakaran ang maayos na pagpapatupad ng mga batas tulad ng Public Service Act at Foreign Investments Act. Dapat ring igalang ang mga kontrata at magkaroon ng insentibo para sa pamumuhunan at siguruhing lahat ng hakbang ay pinag-isipan at may kaukulang batayan – at hinding-hindi mababahiran ng pamumulitika.

Linangin at ipatupad ang mga insentibo sa pamumuhunan para sa digital na imprastraktura. Tungo ito sa isang mas masigla at mas matibay na ekonomiya, at mas mataas na kalidad ng buhay para sa mas nakararaming Pilipino.