PRESYO NG N95 FACE MASK BANTAYAN LABAN SA MGA MAPAGSAMANTALANG TINDAHAN
Naranasan nitong ika-12 ng Enero ang pag-aalboroto ng Bulkan Taal sa lalawigan ng Batangas. Kaugnay nito ay nagbuga ng abo na lubhang mapanganib sa kalusugan ng tao. Ito’y nagdulot ng matinding pangangailangan ng face mask di lamang sa paligid ng Taal kundi maging sa Kalakhang Maynila at iba pang mga karatig na lalawigan. Ito’y nasundan ng pananamantala ng mga tindahan na nagtataas ng presyo sa higit pang 100 porsyento!
Ang ating pamahalaan sa pangunguna ng DTI ay nagsagawa ng mga pagbabantay sa presyo ng N95 Face Mask. Malinaw ang batas na papatawan ng kaparusahan ang sinumang lalabag sa labis na pagtataas sa presyo ng pangunahing bilihin.. Mainam ang mga ganitong hakbang ng DTI upang protektahan ang mga kawawang kababayang apektado sa pagputok ng bulkang Taal.
Kinakailangan din ang tulong ng bawat mamamayan na makibahagi sa pagbabantay. Kailangang maging listo at isumbong ang anumang iregularidad sa presyo ng pangunahing bilihin at gamit gaya ng face mask.
Bilang karagdagan, mainam na alamin muna natin sa mga kagawaran ng pamahalaan gaya ng DOH at DOST ang paggamit ng face mask.
Ang BK3 ay di hangad na malugi ang mga kababayan nating negosyante, kinakailangan lamang na maging makatuwiran ang anumang pagtaas ng presyo lalo na sa panahon ng krisis.