Repasuhin ang Renewable Energy Law

Naglagak ang grupong ALYANSA NG MGA GRUPONG HALIGI NG AGHAM AT TEKNOLOHIYA PARA SA MAMAMAYAN (AGHAM) ng isang petisyon sa Korte Suprema para sa isang Temporary Restraining Order (Pansamantalang utos upang pigilan) hinggil sa Renewable Energy Law o ang RE Law.

 

Sa pamumuno ni dating Kongressman Angelo B. Palmones, tutol ang AGHAM sa ilang probisyon ng ipatutupad pa lamang na batas lalo na iyong tungkol sa Renewable Portofolio Standards (RPS) at ang Feed-In-Tariff (FIT).

 

Bilang mga konsyumer, nararapat lamang na mabahala tayo sa pagpapatupad ng nasabing batas. Kung susundin ang pagsusuri ng AGHAM, papasanin nating mga konsyumer ang aabot sa Php821 Bilyon para sa 20 taong pagpapalago ng pribadong sector sa renewable energy.

 

Magandang opsyon naman talaga ang renewable energy o likas-kayang enerhiya gaya ng kuryenteng malilikha mula sa sikat ng araw (solar energy), hangin (wind energy) at pagdaloy ng tubig (hydro-electric energy). Subalit, wika nga, bakit tayo igigisa sa sarili nating mantika?

 

Kikita ang ilang pribadong kompanya sa kalaunan subalit tayong mga konsyumer ang papasan ng mga insentibo na para sa kanila? Magbabayad na nga tayo ng mas mataas na presyo ng kuryente dahil sa dagdag-buwis sa ilalim ng TRAIN, makatarungan ba ang sinisingil ng ilang pribadong kompanyang ito?

 

Ayon mismo kay Palmones “RE developers under the current set-up are assured of minimum to zero-risk in their investments due to the incentives given to them at the expense of electricity consumers.”

 

Mali naman yata ito.

 

Isa pa, sa ilalim ng RE Law, itatakda ng isang National Renewable Energy Board (“NREB”) ang RPS o ang minimum na bahagdan o porsiyento na ibabahagi ng mga kikilalaning pagmumulan (“eligible sources”) ng renewable energy.

 

Ayon sa AGHAM, kokolekta ng Php8.69/kWh FIT rate ang mga eligible RE sources na ito samantalang ang pinakamababang tantos na makikita sa pamilihan ng mga non-FIT eligible Solar Plants ay nasa Php2.9999/kWh lamang!

 

Dahil dito, sumasang-ayon ang BK3 sa panawagan ng AGHAM na repasuhin ng Korte Suprema ang RE Law. Nawa ay matiyak ang interes ng mga konsyumer at ng pangkalahatang publiko sa pagpapatupad ng isang makatao at makakalikasang batas sa likas-kayang enerhiya.