Tama ba ang pagpataw ng FIT-ALL?

“Tama ba ang pagpataw ng FIT-ALL?”

Sa dalawang magkasunod na buwan, nasaksihan natin ang pagbaba ng kuryente. Sa karaniwang konsyumer, malaking bagay ang kabawasang 130 piso sa presyo ng kuryente sa loob ng dalawang buwan.

Halimbawa ng lamang, sa kasalukuyang buwan ng Hunyo, bumaba ng 13 sentimos kada kilowatt hour(kwh) ang presyo ng ating kuryente. Mas mababa pa nga sana ito kung hindi dahil sa pagtaas ng singil sa tinatawag na FIT-ALL. Bumaba ang ipinapataw na halaga para sa lahat ng bagay na bumubuo sa kabuuang singilin sa kuryente maliban na lamang sa FIT ALL na iyan—na tinaas pa nga ng pitong (7) sentimo sa bawat kilowatt hour!

Ano ba ang FIT-ALL na iyan? Para saan ba iyan? “Feed-in-Tariff Allowance” o “FIT-ALL” ang halagang sinisingil sa ating mga konsyumer para sa mga renewable energy projects o mga proyekto sa likas-kayang teknolohiya sa sektor ng enerhiya. Halimbawa nito ang paghango ng solar energy o kuryenteng likha mula sa sinag ng araw. Pondong insentibo ito na napupunta sa bulsa ng mga kompanya sa enerhiya.

Bakit kailangang siguruhin ng lahat, sa pamamagitan ng FIT-ALL, ang kita ng mga korporasyon? Hindi ba dapat naman ay tumataya lamang sila sa potensiyal na laki ng kanilang maaaring kitain sa kalaunan?

Nararamdaman natin na nagbabayad tayo ng mas mataas na presyo para sa kuryente subalit baka hindi naman sulit ang sakripisyo natin. Sa ilang buwang may magandang balita sa pagbaba ng gastusin sa kuryente, nakadidismaya talaga at lalong kapansin-pansin ang paniningil ng FIT-ALL. Kung wala ito, mas malaki pa ang kabuuang pagbawas sa ating gastusin! Kailangang kailangan natin ang kahit kaunting kaluwagan pa sa harap ng matinding implasyon sa ekonomiya.

Kamakailan lamang, ang aming pag-usisa at pagkuwestyon sa FIT ay naudlot dahilan sa pagsuspindi sa mga opisyal ng Energy Regulatory Commission (ERC) ng tatlong (3) buwan. Suportado ng BK3 sa petisyon ng Laban Konsyumer, Inc. na tigilan ang pagtaas ng FIT-ALL rate. Paano ngayon maaksyunan ang petisyon na ito kung walang quorum ang ERC dahil sa suspension ng mga commissioner?

Sa panahong tumitindi ang pagtaas ng mga bilihin lalo na sa pinakamahihirap nating konsyumer, kailangang repasuhin ang patakaran sa pagsingil ng FIT-ALL. Malaking tulong kung mapababa man lamang ito o masuspindi muna.

Louie C. Montemar, BK3