Tataas na naman ang presyo ng kuryente!

Tataas na naman ngayong buwan sa average na P0.1135 kada kilowatt-hour ang presyo ng kuryente. Katumbas ito ng P23 sa buwanang bayarin ng mga sambahayan na nagkakarga ng 200 kWh, ayon sa Manila Electric Co. Ang ibig sabihin nito para sa mga minimum wage earners, sa kuryente pa lamang ay balewala na ang dagdag-sahod na dapat na ibibigay sa kanila at kalian lamang itinakda.

May dalawang magkasunod na buwan din (Setyembre at Oktubre) na bumabang bahagya ang singil sa kuryente. Hindi naramdaman halos ng konsyumer ang mga pagbabang ito dahil na rin sa inflation o ang pagtaas ng presyo ng iba’t  ibang produkto at serbisyo sa pamilihan.

Ngayon, nililinaw ng Meralco na ang mas mataas na singil ng WESM (Wholesale Electricity Spot Market) ang dahilan para sa pagtaas ng presyo na mauugat naman daw sa tumataas na demand at iba pang gastusin sa produksiyon ng kuryente. Ang WESM ang nagsisilbing trading floor para sa kuryente sa bansa. Kinukuha ng Meralco ang 16.6 porsyento ng kanyang pangagailangang suplay mula sa WESM.

Kung titindi pa ang paggamit ng enerhiya sa bansa dahil sa mga nakalatag ng programa’t proyektong pang-impraistruktura ng bansa, lalo lamang bang kakapusin ang suplay at kung gayon lalo pang tataas ang presyo ng kuryente?

Ano ba talaga ang kailangang gawin upang maging mas stable at mura sa pangmatagalan ang suplay ng ating kuryente?  Bukod sa muling pagrepaso sa papel ng WESM, ano pa ang magagawa ng pamahalaan? Hindi sapat na paalalahanang basta magtipid na lamang ng lahat—sagad na ang mga regular na konsyumer sa pagtitipid kung tutuusin!

Napapanahon ang mas mabilis at makabuluhang pagkilos sa usapin ng enerhiya. Kung hindi, babansutin nito ang “Build, build, build” at lalo lamang maghihirap ang lahat lalo na ang masang-konsyumer. Dapat siguro ay bawasan na ang buwis sa enerhiya at krudo. Kung gawin nila ito bukas, magandang pamasko sana sa sambayan. Sana.