Tungo sa isang ligtas at epektibong imprastukturang pang-ICT

Ikinagagalak ng BK3 ang pagsasabatas ng Republic Act 11934 o SIM Card Registration Act. Sa wakas, magkakaroon na ng proteksyon ang ordinaryong mamamayan laban sa mga mapagsamantalang sindikatong nagtatago sa likod ng kanilang mga “unknown number.”

Subalit iba’t ibang reaksyon ang tinatanggap ng bagong batas mula sa hanay ng mga konsyumer.

Maraming grupo ang nagpahayag ng mga alalahanin na ang batas, sa kabila ng magagandang layunin nito, ay maaaring gamitin ng ilang sektor upang labagin ang mga karapatan at i-target ang ilang mga gumagamit ng SIM cards.

Alalahanin din ng mga telco subscribers ang kagyat na pagpaparehistro ng humigit-kumulang 100 milyong SIM sa bansa sa loob ng 180 araw mula ng malagdaan ang naturang batas. Kailangan ang isang masinop at maayos na sistema sa pagpaparehistro upang hindi gaanong magambala ang buhay at pagtatrabaho ng ating mga kababayan sa ilalim ng bagong patakaran. Kailangan dito ang maayos na pamumuno ng DICT. Transparency ang susi sa bahagi ng pamahalaan.

Sa bahagi naman nating mga konsyumer at pati na rin sa mga telco, kailangan ng responsableng pakikipagtambalan sa pamahalaan para sa epektibo at makabuluhang pagpapatupad ng batas. 

Dito tunay na kailangan ang pagkakaisa tungo sa pagbubuo ng isang epektibo at ligtas na imprastrukturang pang-ICT para sa buong bansa.