Unang araw sa frontline

Pahayag ng BK3

Unang araw sa frontline

 

Tatagal pa ang usaping ito sa Covid-19 at maaaring mas lumala pa ang sitwasyon sa ilang lugar. Magandang maging handa pa tayo at kumilos nang naaayon sa pangangailangan lamang upang makontrol ang paglaganap ng naturang sakit.

Panawagan nga ng mga health workers sa publiko: MAKINIG NAMAN SANA KAYO. MANATILI SA INYONG MGA BAHAY!

Sang-ayon ako sa pahayag na ito. Kailangan ang pagtalima nating lahat. Kailangan ang suporta ng mamamayan. Iyon lamang, tingin ko naitulak pa nga palabas ng Maynila ang mga may kakayanang lumikas pati na mga nahawa na ng Covid-19 patungo sa mga probinsya dahil sa palugit sa tinakdang “community quarantine.” Sa mga susunod na araw, malamang maririnig natin ang tungkol sa karagdagang pagkalat ng Covid-19 sa labas ng Maynila.

Sana mali ang basa kong ito.

Pero sana rin ay mausisa pang higit ang pamahalaan hinggil sa mga hakbang nito na hindi kinakailangan pang gamitin ang mga militar. Ang mga usapan kasi sa ngayon ay masyadong umiikot sa mga hindi dapat gawin ng ordinaryong tao—dahil dito, talagang kakailanganin ang pulisya o militar sa lunsod.

Ngunit ano nga ba ang mga plano upang matulungan ang mga tao sa pinansiyal at pangkalusugang usapin?

Halimbawa, mayroon bang mga plano kung paano makakatulong sa pagpapakain sa mga komunidad kung tatagal pang labis ang quarantine?

Paano ang ordinaryong konsyumer na isang kahig-isang tuka?

Ano din ang magagawa ng pamahalaan upang matulungan ang mga negosyong tinamaan ng pandemikong ito? Halimbawa, maaari bang suspindihin panandalian ng mga bangko ang kanilang mga paniningil gaya ng ginawa sa Italya?

Maraming pang tanong lalo na sa “frontline.” Marami pang dapat linawin at ayusin. Halimbawa, isang napansin ng mga bumiyahe sa unang araw ng quarantine sa Maynila ay ito: maraming baril, mahahaba pa, at lahat ng pulis at militar may baril subalit kulang na kulang ang thermal scanners.

Sa ngayon, mas mainam na tumalima ang karamiham sa iniutos na community quarantine. Hanggang maaari MANATILI TAYO SA ATING MGA BAHAY.