WALANG KRISIS sa Transportasyon?

Ayon kay Sal Panelo, tagapagsalita ng Pangulo, walang krisis sa mass transportation!

Nakararating pa naman daw tayo sa ating mga patutunguhan kaya walang krisis sa mass transportation. May mga masasakyan pa naman daw at “[He] only sees traffic.” Walang krisis sa mass transportation. Mapagaganda pa naman ang sitwasyon at may solusyon—umalis at bumiyahe tayo ng mas maaga. Walang krisis sa mass transportation!

Tama siya!

Nakararating pa tayo sa ating mga patutunguhan matapos magtiis sa init, ingay, at dumi ng paligid. Nakararating tayo matapos makipag-unuhan sa libu-libo pa upang makasakay. Nakararating pa tayo sa ating mga patutunguhan matapos ang ilang oras na pagkaantala!

May mga masasakyan pa naman daw at there is only traffic. Tama naman! May mga bus na kolorum, jeep na karag-karag, may mga kuliglig pa nga at traysikad. May libre sakay para sa iilan. May taxi at TNVS na gagastos ka ng 300 piso samantalang pwede namang 10-15 piso lamang kung nakapag-tren, o LRT at MRT ka. Pero paano na nga ba ang nasunog na LRT linya na iyon? 9 months daw magagawa—aba, tao ba binubuo natin? May masasakyan ka na uli sa siyam na buwan.

Mapagaganda pa naman daw ang sitwasyon at may solusyon—umalis at bumiyahe tayo ng mas maaga. Tama! Ang isang kilala nating guro, gigising ng 2:00 a.m. para makaalis ng 3:00 a.m. nang makarating sa paaralan ng 7:00 a.m. Makauuwi siya ng 10:00 p.m. na. Makararating ka sa iyong patutunguhan, basta mga dalawa o tatlong oras ka lang matutulog! Huwag mo nang asikasuhin ang iyong mga anak.

Walang krisis. Bilyun-bilyon lang naman ang nawawala sa atin dahil sa trapik, ayon sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency o JICA. Ayon sa JICA, noon pang 2014, 3.5 bilyong piso araw-araw ang nasasayang dahil sa matinding trapik o pagbabara sa daloy ng transportasyon sa Metro Manila.

Ayon na rin sa JICA, at dahil wala namang nagawang substansiyal na aksyon mula noong 2014 upang maibsan ang trapik at matugunan ang pangangailangan sa mass transportation, nasa 3.5 bilyong piso kada araw na rin ang nawawala sa produktibidad ng Bulacan, Laguna, Cavite at Rizal. Hindi lamang po sa Maynila matindi ang transportation isyu natin, Ginoong Panelo.

Trapik o Transporation? Two sides of the same coin. Huwag po tayong pilosopo. “You are adding insult to injury,” Mr. Panelo! Tila bulag ang Malakanyang at mapang-insulto sa pagiging pilosopo ng tagapagsalita nito.

Labis-labis na ang trapik Oktubre pa lamang. Dagdag pa, ayon sa mga pinakahuling balita, papataas na naman ang presyo ng kuryente, tubig, at gasolina kahit wala pa ang Pasko. Hindi pa ba krisis? Hindi iyan krisis. Iyan ay MATINDING KRISIS!

Kailangang mapaayos ang LRT Line 2 nang mas mabilis sa siyam na buwang sinasabi sa ngayon at gumawa ng mga kagyat na hakbang upang harapin ang krisis sa transportasyon. Hindi katanggap-tanggap ang business as usual. Hindi pwedeng sabihin na lamang na gumising tayo nang maaga. Kailangang gumising ang ang mga namumuno sa sektor ng transportasyon.