World Competitiveness rankings: Pinas Nangungulelat pa rin?
Nanatiling isa sa pinakabansot na bansa ang Pilipinas sa usapin ng husay at kahandaang makilahok sa lumalaking digital na ekonomiya ng buong mundo.
Ito ang lumalabas sa pinakahuling taunang pag-aaral ng IMD Business school sa Switzerland. Ang nasabing pag-aaral na tinatawag na World Competitiveness rankings ay sinusukat ang kakayanan at husay ng animnapu’t tatlong (63) bansa sa buong mundo Tinitignan nito ang iba’t ibang aspeto ng ekonomiya at pagnenegosyo ng mga bansa.
Para sa 2022, maaaring tingnan ang resulta hinggil sa Pilipinas sa dalawang paraan. Masasabing tumaas ang Pilipinas ng dalawang hakbang sa pangkalahatang ranking, mula ika-56 hanggang ika-58 na puwesto. Ngunit sa harap ng katotohanang may 63 bansa na kasama sa nasabing pag-aaral, ang malagay sa ika-56 na ranggo ay mas malapit pa rin sa pinakamababang antas kaysa sa pinakamataas.
Higit sa lahat, kapansin-pansing ang Pilipinas nangungulelat kumpara sa mga kalapit bansa nitong Singapore (4th), Malaysia (31st), Thailand (40th), at Indonesia (51st). Para sa buong Asya, ang Mongolia lamang ang naungasan ng Pilipinas.
Napakasagwa nito lalo na kung iisiping ang Pilipinas ay isang sa mga bansa sa mundo na may pinaka-aktibong paggamit ng internet at social media.
Nananawagan ang BK3 sa pamahalaan na kagyat na gumawa ng mga hakbang upang bigyang pansin ang lagay ng Pilipinas ayon sa nasabing pag-aaaral at iangat ang digital na kakayahan ng bansa at suportahan ang digital na komersiyo lalo na para sa mga pangkaraniwang mamamayan at mamimili.