Hanapbuhay ang kailangan, hindi dagdag pahirap: sigaw ng taumbayan!
Ayon sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA), pumalo ng 8.7 porsyento ang unemployment rate noong buwan ng Abril mula sa 7.1 porsyento noong Marso.
Ibig sabihin, mayroon tayong 4.14 milyong kababayan na walang hanapbuhay sa gitna ng pandemyang ito. Nagpapalala pa rito ang inflation rate na nananatili sa 4.5 porsyento!
Tunay na kalunus-lunos ang kalagayan ng ating bayan, dulot ng mga lockdown sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil sa biglaang pagtaas ng kaso ng may COVID-19.
Gayon, nananawagan ang Bantay Konsyumer na makipag-ugnayan ang pampribado at pampublikong sektor upang makarating sa mga solusyon na maaaring lumutas sa problema ng malawakang pagkawala ng trabaho.
Panawagan din namin na tigilan na ang pagpapatupad ng mga batas at promulgasyon na magpapalala lamang sa mga suliraning hinaharap ng mga lokal na producer at konsyumer!
Halimbawa, nararapat na bawiin ang pagpapababa ng mga taripa at pagpapataas ng Minimum Access Volume (MAV) ng mga inaangkat na bigas at baboy na siyang pumipilay sa lokal na industriya. Ibasura na rin ang mga regulasyong nagpapataw ng mas mabibigat na mga buwis! Katulad ng 150% taas buwis na idadagok ng BIR sa mga pribadong paaralan. Ano ba kayo? Walang puso!
Sana naman ay isapuso nila ang pagsulong sa ikabubuti ng nakararami. Trabaho at hanap-buhay ang kinakailangan! Hindi dagdag pahirap sa taumbayan!