Ibalik ang “terminal to terminal” na rota ng mga provincial bus
Sa ngalan ng ating mga ordinaryong komyuter ng mga pampublikong bus pamprobinsya na madalas na bumibiyahe papasok at palabas ng Maynila, hinihiling ng BK3 na ibalik na ang “terminal-to-terminal” na pamamasada ng mga pamprobinsyang bus at mga dati nilang ruta bago ang mga kwarantina at lockdown bunsod ng kasalukuyang pandemiya.
Lalo po lamang nagdulot ng pabigat at bantang pangkalusugan sa mga pasahero ang mga naging pagbabago sa ruta ng mga pampublikong bus batay sa kautusan ng DOTr at LTFRB.
Mismong mga karaniwang komyuter na ang nagsasabi na mas delikado ang kanilang biyahe dahil kailangan nilang palipat lipat ng sasakyan imbes na deretso na sa terminal ng bus ang baba. Doble hirap, doble gastos, doble panganib sa impeksyon ng COVID 19 virus
Kinakatigan ng BK3 ang mungkahi ng ilang kompanya ng bus pamprobinsya ang panukalang pagbabalik sa mga dating rutang “terminal to terminal” para gumaan naman ang paghihirap naming mga ordinaryong komyuter. Kailangan lamang ang mahigpit na masunod ang mga health protocols na itinakda ng IATF.
Higit pa nga sa usapin ng banta sa kaligtasang pangkalusugan, malinaw na nagging balakid pa itong eksperimento ng DOTr-LTFRB sa pagkilos ng ating ekonomiya dahil lubos na pinahirap nito ang pagbibiyahe ng ating mga mamayang kailangang bumiyahe ng malayo upang makapag-trabaho.
Ang isa pang masama dito, tiba-tiba ang mga may-ari ng mga kolorum van sa maling sistemang ito dahil binibiktima ang mga desperadong mga komyuter na kanilag sinisingil ng hanggang P2,500 bawat biyahe. Grabe naman ito! Walang magawa ang mga kawawa nating mga kababayan lalo na kung nagmamadali sa isang importanteng biyahe.
Nais po naming makitang mas sumigla muli ang ating buhay-ekonomiya. Makinig po tayo sa ating mga pangkaraniwang komyuter. Itakda natin ang tamang patakaran para sa ikabubuti ng lahat.
Maraming salamat po!
Patrick Climaco
Secretary General
Bantay Konsumer, Kalsada, Kuryente (BK3)