Pinapatay tayo ng mga pirata sa internet
Pinapatay tayo ng mga pirata sa internet
Pahayag ng BK3
Sana’y madaliin na ng ating Senado ang pagpasa ng mga anti-online piracy bills na magbibigay ng mas mabilis at mas mabisang paraan para masalag ang lumalalang dami ng scam at mahabol ng mga awtoridad ang mga online pirates. Hindi na sapat ang mga batas natin ngayon para maprotektahan ang mga magagandang obra ng ating mga manlilikhang Pilipino.
Mahalaga ang maprotektahan ang ating creative industries. Ito ay nagdadala ng kabuhayan sa mga manlilikha. Ang pagsulong nito ay ang pagpapatibay sa industriya, paglinang ng ating mga lokal na talent, at pagbibigay halaga at pag-unlad ng kulturang Pilipino.
Habang tumatagal ang pag-aksyon ng ating mga mambabatas na maipagbago ang halos tatlumpung-taong gulang na Intellectual Property Code na hindi na nakakahabol at nakakatugon sa tawag ng panahon, lumalaki ang pagkalugi ng ating Creative Industries, hindi lang sa usapin ng kita, kundi sa unti-unting paglikas ng ating mga manlilikha na baka umabot sa pagkamatay ng kanilang industriya.
Hindi matatawaran ang kagalingan ng mga Pilipino. Kailangang maalagaan ang ating mga manlilikha at artista katulad ng ginawa ng South Korea na matagumpay na nakapagpalaganap ng isang bagong “pop-culture” na tinatawag na K-pop na mayroon nang milyong milyong tumatangkilik sa buong daigdig.
Sa dami ng talentong Pilipino, kaya rin natin tapatan ito.