Serbisyong publiko, hindi bastusang publiko!
Noong ika-7 ng Setyembre, sa isang pagpupulong ng IATF, pinagbuntunan ng galit at binatikos ni Sec. Harry Roque si Dr. Maricar Limpin, Pangulo ng Philippine College of Physicians na nagkomento lamang naman at nagsusumamo sa pamahalaan para sa kapakananan ng ating mga frontliners na medical workers.
Ano ang karapatan mo, Harry Roque na pagtaasan ng boses at bastusin ang mga doktor sa isang pampublikong pagpupulong na dapat nakatuon sa pagtalakay kung paano haharapin ang patuloy at lumalalang banta ng Covid 19?
Hindi mo trabaho at katungkulang punahin ang mga taong tumutulong sa pamahalaan at ginagawa lamang kanilang trabaho. Araw-araw nila tinataya ang kanilang buhay upang asikasuhin ang mga kababayang nanganganib ang kalagayan.
Bilang opisyal ng pamahalaan, obligasyon mo na makinig sa mga puna at abiso lalo ng mga dalubhasa. At kung mayroon mang mga puna, ang katungkulan mo ay magpaliwanag at linawin ang mga usapin, hindi magmataas na tila hari.
Serbisyo publiko ang trabaho mo, hindi perwisyong publiko. Huwag mo sana makalimutan na sa buwis na binabayaran ng mamamayan nanggagaling ang pinapasweldo sayo.
Prof. Louie Montemar
BK3 Convenor